Ang Kabutihan ng Isang Kalmadong Puso
MATAGAL nang alam sa modernong siyensiya sa medisina na ang di-mapigil na galit ay may nakapipinsalang epekto sa katawan ng tao. Mahigit nang sandaang taon ang nakalipas, sinabi ng The Journal of the American Medical Association (JAMA): “Isang lalaki ang namatay sa galit, at sinasabi na marahil, siya ay may mahinang puso, na hindi nakayanan ang igting na dulot ng kaniyang kalagayan ng isip. Walang sinuman ang waring nag-aakalang iyon ay bunga ng sunud-sunod na matitinding galit, na mismong sanhi ng kaniyang sakit.”
Ang mga nabanggit na pananalita ay hindi nakagugulat sa mga estudyante ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Mga 29 na siglo na bago pa bumanggit ang JAMA ng tungkol sa mga panganib ng pagiging magagalitin, si Haring Solomon ay kinasihang sumulat: “Ang kalmadong puso ang siyang buhay ng organismong laman.” (Kawikaan 14:30) Totoo pa rin sa ngayon ang mga salitang ito.
Sa pananatiling may kalmadong disposisyon, naiiwasan natin ang maraming sakit na madalas na may kinalaman sa kaigtingan, gaya ng pagtaas ng presyon ng dugo, sakit ng ulo, at suliranin sa paghinga. Subalit, bukod sa mabuting kalusugan, bubuti rin ang ating kaugnayan sa iba kung sisikapin nating “maglikat sa galit at iwan ang pagngangalit.” (Awit 37:8) Likas na naakit ang mga tao kay Jesus dahil sa kaniyang mahinahong kalooban at taimtim na pagmamalasakit sa kanila. (Marcos 6:31-34) Gayundin naman, pagmumulan tayo ng kaginhawahan ng iba kung lilinangin natin ang isang kalmadong puso.—Mateo 11:28-30.