Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Inaabot ang Lahat ng Tao Taglay ang Katotohanan
ANG apostol na si Pablo ay isang masigasig na tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Hindi niya hinayaang hadlangan ng pagsalansang ang kaniyang atas na ipangaral “ang mabuting balita.” (1 Corinto 9:16; Gawa 13:50-52) Hinimok ni Pablo ang iba na tularan ang kaniyang halimbawa.—1 Corinto 11:1.
Kilala ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig sa kanilang determinadong pagsisikap sa pangangaral. Sa katunayan, nakikipag-usap sila sa iba kapuwa sa “kaayaayang kapanahunan” at sa “maligalig na kapanahunan” upang tuparin ang kanilang bigay-Diyos na atas na ‘paggawa ng alagad.’ (2 Timoteo 4:2; Mateo 28:19, 20) Kahit sa mga lupain na may mga pagsalansang, ang mga tapat-pusong tao ay inaabot taglay ang napakahalagang mensahe tungkol sa Kaharian ng Diyos, tulad ng inilalarawan ng sumusunod na mga karanasan.
◻ Sa isang isla sa kanlurang Pasipiko na doo’y bawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, napansin ng isang 12-taóng-gulang na batang lalaki na siya ay napaliligiran ng masasamang kasama sa paaralan. Marami sa kaniyang mga kamag-aral ang palaging naninigarilyo, nagbabasa ng pornograpikong literatura, nanliligalig sa mga guro, at nakikipag-away. Lumala ang situwasyon anupat hiniling ng batang lalaki sa kaniyang ama kung maaari siyang lumipat sa ibang paaralan. Subalit ipinaliwanag ng ama sa kaniyang anak na hindi siya sang-ayon sa gayong ideya, yamang sa kaniyang palagay ay walang pagkakaiba ang asal ng mga estudyante sa ibang kalapit na paaralan. Gayunman, paano niya matutulungan ang kaniyang anak?
Naalaala ng ama na may isang aklat sa bahay para sa mga kabataan. Regalo ito buhat sa isang kamag-anak na isang Saksi ni Jehova. Kaya hinanap niya ang aklat, at nang masumpungan ito, ibinigay niya sa kaniyang anak. Iyon ay pinamagatang Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas.a Nasumpungan ng batang lalaki na lalo nang nakatutulong ang kabanatang “Paano Ko Malalabanan ang Panggigipit ng Kasamahan?” Hindi lamang nito itinuro sa kaniya ang kahalagahan ng pananatiling may paggalang sa sarili kundi itinuro rin nito sa kaniya kung paano mataktikang tatanggi kapag tinangka ng iba na pilitin siyang sumunod sa isang di-matalinong landasin. Sa pagkakapit ng maka-Kasulatang mga simulain na masusumpungan sa aklat, natutuhan ng kabataang lalaki kung paano haharapin nang matagumpay ang panggigipit ng kasamahan.
Palibhasa’y napansin ito at ang iba pang positibong pagbabago sa kaniyang anak, ipinasiya ng ama na basahin ang aklat. Dahil sa humanga sa praktikal na payo na masusumpungan sa aklat, humiling ang ama sa mga Saksi ni Jehova ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Nang maglaon, ang ibang miyembro ng kaniyang pamilya ay nakisali sa kaniya sa pag-aaral. Ang resulta? Ang batang lalaki, ang kaniyang nakababatang kapatid na lalaki, ang kaniyang ama, at dalawa sa mga nuno ng batang lalaki ay mga Saksi ni Jehova na ngayon.
◻ Sa lupain ding iyon, dalawang Saksi ni Jehova ang nabilanggo dahil sa kanilang mahigpit na pagsunod sa mga simulain ng Bibliya. Gayunman, hindi nila hinayaang mahadlangan sila ng kanilang kalagayan sa pagsasalita nang may katapangan tungkol sa Kaharian ng Diyos. Kinausap nila ang isang opisyal ng bilangguan at tumanggap ng pahintulot na ipagdiwang doon ang Hapunan ng Panginoon. Laking tuwa nila nang 14 na bilanggo ang nagpakita ng interes sa Bibliya at nakisama sa mga Saksi sa mahalagang okasyong ito! Pagkatapos nilang lumaya, ang ilan sa kanila ay nagpatuloy sa pag-aaral ng Bibliya at nakisama sa mga Saksi ni Jehova.
Sa mahigit na 25 bansa, ang mga Saksi ni Jehova ay nagdurusa bunga ng pagbabawal o iba’t ibang uri ng pagsalansang o pag-uusig. Subalit gaya ng mga apostol, nagpapatuloy sila “nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.”—Gawa 5:42.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.