Isa Pang Tagumpay Para sa mga Saksi ni Jehova sa Gresya
NOONG Oktubre 6, 1995, isang legal na kaso na kinasasangkutan ng dalawang pambuong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova ang dininig ng tatlong-miyembrong Mahistrado sa hukuman ng Atenas. Ang paratang ay pangungumberte, at ang demanda ay isinampa ng isang pulis pagkatapos na siya’y dalawin ng mga Saksi sa kaniyang tahanan.
Ang mga tanong na iniharap ng punong hukom ay nagpakitang siya’y lubhang interesado sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, itinanong niya: “Kailan pa ninyo ginagawa ito? Paano kayo pinakikitunguhan ng mga tao sa nakalipas na mga taon? Anong uri ng pagtugon mayroon hinggil sa inyong gawain? Ano ang sinasabi ninyo sa mga tao sa kanilang tahanan?” Lahat ng naroroon sa hukuman ay matamang nakinig sa mainam na patotoong ibinigay.
Laking gulat ng mga Saksi, na maging ang tagausig ay nagsalita nang pabor sa kanila. “Ang mga Saksi ni Jehova ay may karapatan ayon sa saligang batas na hindi lamang maniwala at sumamba sa kanilang Diyos,” sabi niya sa kaniyang pangwakas na pananalita, “kundi magpalaganap din ng kanilang pananampalataya sa bahay-bahay, sa mga liwasang bayan, at sa mga lansangan, na namamahagi pa nga ng mga literatura nang walang bayad kung nais nila.” Tumukoy ang tagausig ng iba’t ibang desisyon ng pagpapawalang-sala na pinalabas ng mga hukuman at ng Sangguniang Bayan. Binanggit din niya ang kaso ng Kokkinakis v. Gresya, na pinagpasiyahang pabor sa mga Saksi ni Jehova ng Europeong Hukuman ng Karapatang Pantao.a “Pakisuyong pansinin,” babala ng tagausig, “na nagmulta pa nga ang Gresya sa kasong ito. Kaya dapat tayong mag-ingat na mabuti kapag hinihilingang humatol sa ganitong mga kaso. Sa katunayan, ang mga kasong ito ay hindi na sana dapat dinala sa hukuman sa pasimula pa lamang.”
Nang matapos ang pagsasalita ng tagausig, wala nang masabi pa ang abogado ng mga Saksi. Gayunman, sinamantala niya ang pagkakataon upang idiin na ang batas sa pangungumberte ay labag sa saligang batas at na ito’y nagdudulot ng kahihiyan sa Gresya sa buong daigdig.
Sinulyapan lamang ng punong hukom ang dalawa pang hukom, at buong-pagkakaisa nilang pinawalang-sala ang kapatid na lalaki at babae. Ang paglilitis, na tumagal nang isang oras at sampung minuto, ay isang tagumpay kapuwa sa pangalan ni Jehova at sa kaniyang bayan.
Ito ang ikaapat na pagpapawalang-sala na kinasasangkutan ng mga kaso ng pangungumberte pagkatapos dinggin ng Europeong Hukuman ng Karapatang Pantao ang kaso ni Kokkinakis. Natutuwa ang mga Saksi ni Jehova sa Gresya na ang mga suliranin may kaugnayan sa kanilang pangangaral ay nawala nang talaga at posible nang ipagpatuloy ang gawain nang walang sagabal.
[Talababa]