“Mga Hiyas ng Katotohanan”
“Mga hiyas ng katotohanan.” Ganiyan ang paglalarawan ng isang liham sa sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Nigeria tungkol sa dalawang natatanging magasin. Ang sumulat, isang kabataang lalaki, ay nagpaliwanag:
“Sumulat ako upang taimtim na magpasalamat sa inyong pagsisikap na talakayin ang halos lahat ng pitak ng pang-araw-araw na buhay sa pamamagitan ng mga magasing Bantayan at Gumising!
“Ako’y 17 taóng gulang. Noong isang taon ay nagtaguyod ang isang lokal na istasyon sa radyo ng paligsahan sa sanaysay sa temang ‘Hindi Lamang Sekso ang Nasasangkot sa Pag-ibig—Totoo ang AIDS.’ Ang bawat sanaysay ay hindi dapat lumampas sa apat na raang salita. Isang gantimpalang 1,000 naira [$12.50, E.U.] ang ipagkakaloob para sa pinakamagaling na sanaysay. Siyempre, sabi nila, dapat sumulat ang mga tao hindi lamang upang manalo ng gantimpala kundi, sa halip, upang may matutuhan. . . .
“Nakasumpong ako ng impormasyon tungkol sa AIDS sa dalawang magasin. Tungkol naman sa pag-ibig, napakaraming artikulo. Ginamit ko ang mga punto mula sa Gumising! ng Enero 8, 1979.
“Wala pang dalawang buwan pagkatapos kong ipadala ang aking sanaysay, lumabas na ang resulta. Laking gulat ko, ako ang nanguna sa mga estado ng Cross River at Akwa Ibom!
“Lahat ng ginamit kong impormasyon ay galing sa mga magasin. Talagang kahanga-hanga na naglalaan si Jehova ng napapanahong impormasyon para sa atin sa maligalig at masamang sanlibutang ito. Bilang mga tunay na Kristiyano, alam nating napakarami pang nasasangkot sa pag-ibig kaysa sekso lamang. At, sabihin pa, ang pagkakaroon ng malinis at moral na pamumuhay ay nagsasanggalang sa atin laban sa mga sakit tulad ng AIDS.
“Hindi maaaring hindi ko kayo pasalamatan para rito sa mga hiyas ng katotohanan na walang-sawa ninyong inilalabas. Patuloy nawang pagpalain ni Jehova ang inyong pagsisikap na maglaan ng napakahalagang mga magasing ito.”