Itinaguyod ng Korte Suprema ng Connecticut ang mga Karapatan ng Pasyente
Noong Abril 16, 1996, itinaguyod ng Korte Suprema ng Connecticut, E.U.A., ang karapatan ng mga Saksi ni Jehova na tumanggi sa pagsasalin ng dugo. Ang desisyong ito ay nagpawalang-bisa sa isang naunang pasiya ng mababang hukuman.
Noong Agosto 1994, si Nelly Vega, isa sa mga Saksi ni Jehova, ay nagsimulang duguin nang husto pagkatapos magsilang ng kaniyang panganay na anak. Naging di-mabisa ang mga pagsisikap na pahintuin ang kaniyang pagdurugo. Yamang lumalala ang kalagayan ni Gng. Vega, sinikap ng ospital na kumuha ng pahintulot ng hukuman upang makapagsalin ng dugo. Si Gng. Vega ay lumagda na sa isang kasulatan na nagtatagubiling hindi siya dapat salinan ng dugo o mga sangkap mula sa dugo sa panahon ng paglagi niya sa ospital, sa gayo’y nag-aalis sa ospital ng anumang pananagutan sa ibubunga ng kaniyang desisyon. Gayunpaman, nangatuwiran ang ospital na ang sapilitang pagsasalin ng dugo ay para sa kapakanan ng bagong silang, na, katuwiran ng ospital, ay nangangailangan sa ina nito. Nagtuon din ng pansin ang mababang hukuman sa bagay na, maliban sa kaniyang pagkaubos ng dugo, si Gng. Vega ay isang bata at malusog na babae. Sa gayon, sa kabila ng protesta kapuwa ng asawa at abogado ni Gng. Vega, naglabas ng utos ang hukuman at isinagawa ang pagsasalin.
Nang maglaon, ang kaso ay dinala sa Korte Suprema ng Connecticut. Doon ay may-pagkakaisang napagpasiyahan na ang ginawa ng ospital ay lumabag sa mga karapatan ni Gng. Vega. Ganito ang nakasaad sa pasiya: “Ang pagdinig sa mababang hukuman ay naganap sa kalagitnaan ng gabi, sa ilalim ng totoong gipit na mga kalagayan na hindi pabor sa kakayahan ng alinman sa magkabilang panig na lubusang maipahayag ang mga argumento nito.”
Ang pasiyang ito ng Korte Suprema ng Connecticut ay mahalaga para sa mga tao bukod pa sa mga Saksi ni Jehova. “Mahalaga ito para sa lahat ng pasyente na maaaring hindi sang-ayon sa mga pasiya ng kanilang mga doktor,” sabi ni Donald T. Ridley, ang abogado ni Gng. Vega. “Ang pasiya ay hahadlang sa mga ospital na ipagwalang-bahala ang prinsipyo ng pasyente, maging ang mga ito man ay relihiyoso o sekular.”