Nanindigan Silang Matatag sa Kabila ng Pag-uusig ng Nazi
KITANG-KITA ang pagkakaiba ng walang-takot na integridad ng mga Saksi ni Jehova sa Nazi na Alemanya at ng paninindigan ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Ito ay ipinahayag ng propesor sa kasaysayan na si John Weiss sa kaniyang aklat na Ideology of Death. Sumulat siya:
“Noong 1934 ay iginiit ng simbahang Ebangheliko na ang mga Nazi ay dapat na ‘tanggapin ng Lutheranismo,” at nagpasalamat ‘sa Panginoong Diyos’ sa pagbibigay sa mga Aleman ng isang ‘makadiyos at mapagkakatiwalaang panginoon.’ . . . Sumulat ang isang Protestanteng obispo sa kaniyang klero, ‘[Si Hitler] ay isinugo sa atin ng Diyos.’ ” Nagpatuloy si Weiss: ‘Ang Aleman na simbahang Metodista . . . ay sumang-ayon kay Obispo Dibelius na iniligtas ni Hitler ang Alemanya mula sa isang napipintong rebolusyong Bolshevik, anupat nagdulot ng kapayapaan at katatagan . . . Sinabihan ng simbahang Mormon ang mga miyembro nito na ang pagsalungat kay Hitler ay isang paglabag sa batas ng Mormon.” At sinabi pa niya: “Sinabihan ang mga Katoliko na isang sagradong tungkulin na sundin ang bagong estado, isang tungkulin na hindi binawi maging pagkatapos na mabatid ng klero ang ginawang kakilabutan sa silangan.”
Subalit kumusta naman ang mga Saksi ni Jehova? Sinabi ni Propesor Weiss na “bilang isang grupo, tanging ang mga Saksi ni Jehova lamang ang tumanggi sa mga Nazi.” Libu-libo ang nabilanggo, sabi pa ni Propesor Weiss, “gayunma’y makalalaya sana ang sinumang Saksi na dinala sa kampong piitan kung lalagda lamang ng isang dokumento na nagtatakwil sa kaniyang pananampalataya.”
Hinggil sa integridad ng mga Saksi ni Jehova, nagkomento si Propesor Weiss: “Inilalarawan ng kanilang halimbawa ang pambihirang katatagan at kahanga-hangang impluwensiyang taglay ng Kristiyanismo bago ang pagkakatatag bilang isang institusyon at pagkakasangkot sa lipunan ay nanaig sa pagnanais na mamuhay nang hindi nakikipagkompromiso. Gaya ng isinulat ng isang Protestanteng pastor tungkol sa kanila, ‘Hindi ang malalaking simbahan, kundi ang mga taong ito na siniraang-puri at hinamak ang siyang unang nanindigang matatag laban sa poot ng demonyong Nazi, at naglakas ng loob na tumanggi dahil sa kanilang pananampalataya.’ ”