Mahirap na Panahon Para sa Matatanda
SI Mama Oniyan, na 68 taong gulang na, ay nakatira sa isang pangunahing lunsod sa Kanlurang Aprika. Nang siya’y mas bata pa, pinangarap niyang tamasahin ang kaniyang mga taon ng katandaan habang tahimik na nagreretiro, anupat napalilibutan ng kaniyang mga anak at mga apo. Sa halip ay ginugugol niya ang kaniyang mga araw sa pagtitinda ng malamig na tubig na maiinom sa silong ng mainit na araw. Ang kaniyang kaunting kinikita ang siya niyang ikinabubuhay. Ang kaniyang dalawang anak na lalaki ay nakatira sa isang napakalayong bansa. Matagal na silang hindi nagpapadala ng pera sa kaniya.
Noon, lubhang pinahahalagahan ang matatanda sa Aprika. Sila’y iginagalang dahil sa kanilang karanasan at kaalaman, pati na sa karunungan at kaunawaan na malimit na kaakibat nito. Tumutulong silang magpalaki ng mga apo. Ang mga nakababata ay humihingi ng kanilang payo at pagsang-ayon. Namumuhay ang mga tao ayon sa payo ng Bibliya: “Titindig ka sa harap ng may uban, at magpapakita ka ng konsiderasyon sa pagkatao ng isang matandang lalaki [o, babae].”—Levitico 19:32.
Nagbago na ang panahon. Dahil sa karukhaan, implasyon, kawalang-trabaho, at malawakang paglipat sa mga lunsod ay naiwan ang maraming matatanda upang mag-asikaso sa kanilang sarili. Ganito ang sabi ng direktor ng HelpAge Kenya, si Camillus Were: “Ang tradisyon na pagsuporta at pag-aalaga sa matatanda ay nagiging lalo nang marupok.”
Sabihin pa, ang pagrupok ng mga ugnayang pampamilya ay hindi lamang nagaganap sa mga bansang Aprikano. Tungkol sa Hapon, ganito ang ulat ng Guardian Weekly: “Ang debosyon ng mga anak ay siyang dating saligan ng sistema ng mga pamantayan ng mga Hapones na ipinamana ng Confucianismo, ngunit naglaho na ito dahil sa urbanisasyon at pagrupok ng mga ugnayang pampamilya: sa ngayon, 85 porsiyento ng mga Hapones ang namamatay sa mga ospital o sa mga tahanan para sa matatanda.”
Anuman ang kalagayan, yaong tunay na nagnanais na makalugod sa Diyos ay nagsisikap na magparangal sa kanilang mga magulang. Sinusunod nila ang payo ng Bibliya: “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina . . . upang ito ay ikabuti mo at mamalagi ka nang mahabang panahon sa lupa.” (Efeso 6:2, 3) Bagaman hindi laging madali na parangalan at alagaan ang matatanda nang magulang, ito ay maaaring magdulot ng mayamang gantimpala.