Kapaki-pakinabang na mga Gabing Walang Tulog
MAGING ang mga hari ay may mga gabing walang tulog. Nakaranas ng ganito ang isang makapangyarihang tagapamahalang Persiano noong ikalimang siglo B.C.E., si Ahasuero. Marahil sa pag-aakalang nakaligtaan niyang ganapin ang isang tungkulin, ipinabasa niya ang mga rekord ng hari. Nalaman niya na isang tapat na lingkod, si Mardokeo, ang bumigo sa isang pakanang pagpatay sa kaniya ngunit hindi ito nagantimpalaan. Ipinasiya ni Ahasuero na ituwid agad ang nakaligtaang bagay na ito. Ang kapaki-pakinabang na epekto sa bayan ng Diyos ng kaniyang pagkilos ay nagpapakita na ang insomniya ng hari ay pinangyari ng Diyos.—Esther 6:1-10.
Ang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa bayan ng Hermanus na nasa baybayin ng Timog Aprika ay may dahilan upang tandaan ang bahaging ito ng Bibliya. Dati ay nagpupulong sila sa isang inuupahang bulwagan. Maraming taon silang nagsikap na makabili ng lupa upang pagtayuan ng kanilang sariling Kingdom Hall. Sa wakas, noong 1991, inialok ng Sangguniang-Bayan ang isang napakagandang lugar.
Gayunpaman, tinutulan ng ilan ang pagbebenta ng lugar na ito sa mga Saksi ni Jehova. Pagkaraang mabalam ng ilang buwan, ipinabatid sa kongregasyon na isang tatlong-taóng suspensiyon ang itinakda sa pagbebenta ng lupa sa mga iglesya, at binawi ang alok na lupa. Noong Mayo 1993 ay muling sumulat ang kongregasyon, anupat hiniling sa sanggunian na muling isaalang-alang ang kanilang desisyon. Tumanggap sila ng isang-pangungusap na liham bilang sagot, na nagsasabing may bisa pa rin ang suspensiyon.
Noong Oktubre nang taóng iyon, isang gabi ay hindi makatulog ang isa sa mga konsehal ng bayan. Nagpalipas siya ng oras sa pamamagitan ng pagrerepaso sa lumang opisyal na rekord ng mga pagpupulong ng sanggunian upang malaman kung may anumang bagay na kailangang bigyang-pansin. Nakapukaw sa kaniyang pansin ang liham ng mga Saksi na humihiling sa sanggunian na muling isaalang-alang ang desisyon nito. Kaya ipinasiya niyang isama ang bagay na ito sa adyenda para sa kanilang susunod na pulong. Nais niyang ipakita na ang mga Saksi ni Jehova ay nagharap ng kahilingan ukol sa lupa bago pa itinakda ang suspensiyon sa lupa para sa mga iglesya.
Sa wakas, ibinigay rin sa kongregasyon ang mismong lupa na inialok sa kanila noong 1991! Ito ay nasa pangunahing lansangan, madaling puntahan ng mga miyembro ng kongregasyon at mga interesado. Nakapagtayo sila ng magandang Kingdom Hall, na inialay kay Jehova noong Oktubre 5, 1996.
Bagaman ikinalulungkot ng kongregasyon ang pagkabalisa ng konsehal dahil sa hindi pagkatulog sa gabi, maaari siyang maaliw sa bagay na maging ang Haring Ahasuero ay nakaranas din ng gayon. At parehong kapaki-pakinabang ang resulta ng bawat pangyayari. Ang kongregasyon ng Hermanus ay tiyak na lubos na nagpapasalamat sa pagkakaroon ng sariling Kingdom Hall, isang sentro ng dalisay na pagsamba at teokratikong pagsasanay sa kilalang bayan na ito sa baybayin.—Hebreo 10:24, 25.