Napapalamutian ng Hikaw na Ginto
MULA pa noong unang panahon, lubhang itinatangi ang gintong alahas dahil sa halaga at kagandahan nito. Nang maging punong ministro ng Ehipto, si Jose ay tumanggap ng isang gintong kuwintas mula kay Faraon. (Genesis 41:42) Si Rebeka ay binigyan ng isang gintong singsing na pang-ilong at dalawang gintong pulseras, na nagkakahalaga ng mga $1,400 (U.S.) sa ngayon. (Genesis 24:22) Walang alinlangan, ang mahahalagang kaloob na ito ay tinanggap nang may pasasalamat at isinuot nang may kasiyahan.
Bumabanggit ang Bibliya ng makasagisag na alahas na ang halaga ay makapupong higit sa isinuot nina Jose at Rebeka. Sinasabi ng Kawikaan 25:12: “Ang hikaw na ginto, at isang palamuti na yari sa espesyal na ginto, ay isang marunong na tagasaway sa taingang nakikinig.” Kapag ang isang tagapayo ay nagpapaalaala salig sa Salita ng Diyos sa halip na sa kaniyang sariling opinyon, tunay na naghahatid siya ng isang mahalagang kaloob. Bakit? Sapagkat ang totoo ay nagmumula kay Jehova mismo ang gayong payo. Ganito ang sabi sa atin ng Bibliya: “Anak ko, huwag mong tanggihan ang disiplina ni Jehova; at huwag mong kayamutan ang kaniyang pagsaway sa iyo, sapagkat sinasaway ni Jehova ang kaniyang iniibig, gaya ng pagsaway ng ama sa kaniyang anak na kinalulugdan.” (Kawikaan 3:11, 12) Kapag ang payo ay mapagpakumbabang tinatanggap at ikinakapit ng tagapakinig, waring pinapalamutian niya ang sarili ng hikaw na ginto. Iyon ay katulad na katulad ng sabi ng kinasihang kawikaan sa Bibliya: “Maligaya ang tao na nakasusumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan, sapagkat ang pagtataglay nito bilang pakinabang ay maigi kaysa pakinabang sa pilak at ang pagtataglay nito bilang ani kaysa sa ginto mismo.”—Kawikaan 3:13, 14.