Isang Pumupukaw na Sagot
KAMAKAILAN ay inilathala ng Catholic Herald, isang pahayagan ng Romano Katoliko sa Britanya, ang sumusunod na liham mula sa isang mambabasa sa Wales: “Isang gabi, dumalaw sa aking tahanan ang dalawang Saksi. Nasabi ko na ang Simbahang Katoliko ang gumarantiya sa pagiging totoo ng Bagong Tipan na kanilang sinipi. Nagulat ako nang sumang-ayon ang isa sa kanila. ‘Oo,’ ang sabi niya, ‘ginagarantiyahan ninyo ito pero hindi ninyo ito sinusunod. Sinabi ni Jesus, “ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo,” ngunit nagpapatayan kayo. Sa nakaraang digmaan, pinatay ng mga Katoliko ang mga Katoliko, subalit walang Saksi ni Jehova ang pumatay ng isang [kapuwa] Saksi.’ Ano ang magagawa ko kundi ang sumang-ayon? Paano natin maidadalangin ang pakikipagkaisa sa ating ‘nawalay na mga kapatid’ gayong walang tunay na pagkakaisa sa gitna natin? Hindi ba dapat muna nating ayusin ang iskandalong ito?”—Juan 15:12.
Ang dalawang digmaang pandaigdig ng ika-20 siglong ito ay kapuwa nagsimula sa Sangkakristiyanuhan at kumitil ng mga 50 milyon hanggang 60 milyong buhay. Gayunman, tunay na masasabi na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakibahagi sa mga digmaang iyon, ni kasangkot man sila sa anumang alitan na nagaganap ngayon. Paanong posible ito? Makabubuti sa iyo na alamin pa nang higit ang tungkol sa matitibay na buklod ng Kristiyanong pag-ibig at pagkakaisa na taglay ng mahigit na limang milyong Saksi ni Jehova sa buong daigdig.—Ihambing ang Isaias 2:4.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Larawan mula sa U.S. National Archives