Mga Doktor, Mga Hukom, at Mga Saksi ni Jehova
NOONG Marso 1995, nagsaayos ang mga Saksi ni Jehova ng dalawang seminar sa Brazil. Ang layunin? Upang itaguyod ang pagtutulungan ng mga manggagamot at mga opisyal kapag ang pasyente sa ospital ay isang Saksi ni Jehova at hindi nagpapasalin ng dugo.—Gawa 15:29.
Nakalulungkot, sa ilang kaso ay ipinagwalang-bahala ng mga doktor ang kahilingan ng mga pasyenteng Saksi at sinikap na makakuha ng utos ng hukuman na ipilit ang pagsasalin ng dugo. Sa gayong mga situwasyon ay ginagamit ng mga Saksi ang anumang posibleng legal na paraan upang mapangalagaan ang kanilang sarili. Gayunpaman, mas ibig nilang makipagtulungan kaysa makipagtalo. Kaya naman, idiniin sa mga seminar na may maraming panghalili sa pagsasalin ng magkatipong dugo at na ang mga Saksi ni Jehova ay malugod na tumatanggap ng mga ito.a
Sinuportahan na ng isang pulong ng Regional Council of Medicine ng São Paulo ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova. Noong Enero 1995 nang magtipon ang konseho sa Estado ng São Paulo, ipinasiya nito na kung may pagtutol sa paraan ng paggamot na inirekomenda ng doktor, may karapatan ang pasyente na tanggihan ito at pumili ng ibang doktor.
Kapuri-puri naman, daan-daang manggagamot ngayon sa Brazil ang handang gumamit ng walang-dugong paraan ng paggamot sa mga pasyente na humihiling nito. Mula nang idaos ang mga seminar noong Marso 1995, malaki ang pagsulong sa pagtutulungan ng mga doktor, mga hukom, at mga Saksi ni Jehova sa Brazil. Inilathala ng magasing pang-mediko na Âmbito Hospitalar sa Brazil noong 1997 ang isang artikulo na naggigiit sa mga karapatan ng mga Saksi ni Jehova na igalang ang kanilang paninindigan hinggil sa dugo. Gaya ng ipinahayag ng mga Regional Council of Medicine para sa mga estado ng Rio de Janeiro at São Paulo, malawakang kinikilala ngayon na “ang tungkulin ng doktor na pangalagaan ang buhay ng kaniyang pasyente ay hindi dapat lumampas sa kaniyang tungkulin na ipagtanggol ang karapatan ng pasyente na pumili.”
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang brosyur na Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.