Ang “Isang-daliring Bibliya”
DAHIL sa naging paralisado matapos magkasakit, nakasusulat lamang si Joseph Schereschewsky sa pamamagitan ng pagmamakinilya, na ginagamit ang isang daliri ng bawat kamay. Gayunma’y naabot niya ang kaniyang tunguhin—ang maisalin ang Bibliya sa wikang Tsino, ang isa sa mga wikang pinakamahirap matutuhan ng isang banyaga.
Yamang ipinanganak na isang Judio, sinuri at tinanggap ni Schereschewsky ang Kristiyanismo nang siya’y nasa hustong gulang na. Nang maglaon ay naging isa siyang misyonero sa Tsina. Doon, nakibahagi siya sa maraming proyekto sa pagsasalin, na nagsimula sing-aga noong 1866 at nagpatuloy hanggang sa unang mga taon ng ika-20 siglo. Dahil sa kaniyang Judiong pinagmulan, si Schereschewsky ay totoong pamilyar sa Hebreo kaysa sa kaniyang mga kapuwa iskolar. Kaya naman, ipinagkatiwala sa kaniya ang pagsasalin ng buong Hebreong Kasulatan. Sa pagtatapos ng kaniyang mahabang karera, nakagawa rin siya ng isang salin sa Tsino ng buong Bibliya na may mga reperensiya.
Bilang isang tagapagsalin ng Bibliya, si Joseph Schereschewsky ay isang masugid na tagapagtaguyod ng mga bersiyon sa pangkaraniwang wika. Ngunit hindi naging madali ang kaniyang gawain. Pambihira ang kaniyang nagawa para sa Bibliyang Tsino, ayon sa The Book of a Thousand Tongues, “sapagkat iyon ay totoong masusi at natapos sa kabila ng napakaraming hadlang.”
Matapos maparalisa ang mga kamay ni Schereschewsky, ipinagpatuloy pa rin niya ang kaniyang gawain. Malaking pagsisikap ang kinailangan upang makapagmakinilya, yamang hindi na niya nagagamit nang normal ang kaniyang mga kamay. Kaya naman tinawag niya ang salin na ito bilang ang kaniyang isang-daliring Bibliya. Upang magawa ito sa kabila ng kaniyang mga kapansanan, 25 taon na nagtiyaga si Schereschewsky. Dahil sa hindi siya sumuko, nakatulong siya upang ang Salita ng Diyos ay maging madaling maunawaan sa Tsino—ang wika na sinasalita ng mas maraming tao kaysa anupamang ibang wika.
[Picture Credit Line sa pahina 11]
Ang dalawang larawan: Sa kagandahang-loob ng American Bible Society Archives