Likas na mga Kadahilanan ba ang Ikinamatay ni Maria?
AYON sa pahayagang L’Osservatore Romano ng Batikano, ganito ang sabi ng doktrinang Katoliko na Pag-akyat sa Langit (Assumption): “Ang Immaculadang Birhen, na naingatang malinis mula sa lahat ng bahid ng orihinal na kasalanan, ay katawan at kaluluwang dinala sa makalangit na kaluwalhatian, nang matapos na ang kaniyang buhay sa lupa.” Ang turong ito ay umakay sa ilang teologong Katoliko na magsabing si Maria “ay hindi namatay at karaka-rakang binuhay mula sa makalupang buhay tungo sa makalangit na kaluwalhatian,” sabi ng pahayagan.a
Kamakailan lamang, iba naman ang paliwanag ni Papa John Paul II sa bagay na ito. Sa General Audience sa Batikano noong Hunyo 25, 1997, sinabi niya: “Hindi nagbibigay ng impormasyon ang Bagong Tipan tungkol sa mga kalagayan ng kamatayan ni Maria. Ang katahimikang ito ay umaakay sa isa na mag-akalang ito’y likas na nangyari, nang walang partikular na detalyeng karapat-dapat banggitin. . . . Ang mga opinyon na nagsasabing hindi siya namatay sa likas na mga kadahilanan ay waring walang saligan.”
Ang pananalita ni Papa John Paul ay naglalantad ng isang malubhang depekto sa doktrina ng Immaculada Concepcion o Kalinis-linisang Paglilihi. Kung ang ina ni Jesus ay “naingatang malinis mula sa lahat ng bahid ng orihinal na kasalanan,” paano nga mamamatay si Maria mula sa “likas na mga kadahilanan,” na bunga ng kasalanang ipinamana ng makasalanang si Adan? (Roma 5:12) Ang dahilan ng problemang panteolohiya na ito ay ang maling pangmalas ng Simbahang Katoliko sa ina ni Jesus. Hindi kataka-taka na bumangon ang pagkakabahagi at kalituhan sa loob ng Simbahang Katoliko may kinalaman sa bagay na ito.
Bagaman inilalarawan ng Bibliya si Maria na mapagpakumbaba, tapat, at deboto, hindi nito iniuukol ang mga katangiang ito sa isang “kalinis-linisang paglilihi.” (Lucas 1:38; Gawa 1:13, 14) Basta sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Oo, si Maria ay nagmana ng kasalanan at di-kasakdalan na gaya ng iba pa sa sangkatauhan, at walang katibayan na siya’y namatay dahil sa ano pa mang dahilan maliban sa likas na mga kadahilanan.—Ihambing ang 1 Juan 1:8-10.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Ang Pag-akyat sa Langit—Isa Bang Doktrinang Isiniwalat ng Diyos?” sa Pebrero 15, 1994, Bantayan, pahina 26-9.