“Tayong mga Katoliko ay Maraming Matututuhan sa Kanila”
ANG pangungusap na ito tungkol sa mga Saksi ni Jehova ay sinabi ng isang guro sa Bari, Italya, habang siya’y nagtuturo ng kasaysayan ng relihiyon sa kaniyang klase. Sinabi ng guro sa klase na siya’y gagamit ng mga videocassette bilang pantulong sa pagtuturo. Nang marinig ito, iminungkahi ng isa sa mga estudyante, ang 18-taóng-gulang na si Roberto, na isama ang kaniyang relihiyon sa talakayan. Ibinigay niya sa guro ang video na Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name. Tinanggap naman nito ang alok ni Roberto, at pinanood ng buong klase na may mga 30 estudyante ang video. “Lahat ay humanga sa pagkakaisa, sa organisasyon, at sa masidhing pag-ibig na namamayani sa mga Saksi ni Jehova,” sabi ni Roberto. “Lalo pa nga silang humanga nang malamang 40 milyong kopya ng Ang Bantayan at 36 na milyong kopya ng Gumising! ang inililimbag buwan-buwan.”
“Hindi ko akalaing ganoon kayo kaorganisado,” sabi ng ilang kaklase ni Roberto matapos mapanood ang video. Hinggil sa mga Saksi ni Jehova, ganito ang sabi ng guro sa klase: “Pansinin ninyo kung paano sila napakilos ng kanilang pananampalataya na maging lubusang nagkakaisa at organisado. Tayong mga Katoliko ay maraming matututuhan sa kanila.” Malaki ang nagawa ng video at ng kasunod na talakayan ng klase upang lalong makilala ang mga Saksi ni Jehova.