Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Ginantimpalaan ang Paghahanap sa Tunay na Diyos
NOONG ikasampung siglo B.C.E., nangibabaw sa dalawang-tribong kaharian ng Juda ang huwad na pagsamba. Subalit sa gitna ng ganitong palasak na idolatriya, nabuhay ang isang tao na may matuwid na puso sa Diyos. Jehosafat ang pangalan niya. Ganito ang sabi ni propeta Jehu tungkol sa kaniya: “May mabubuting bagay na nasumpungan sa iyo, sapagkat . . . inihanda mo ang iyong puso upang hanapin ang tunay na Diyos.” (2 Cronica 19:3) Gayundin naman sa ngayon, sa ganitong “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” milyun-milyong tao ang ‘naghanda ng kanilang puso’ upang hanapin ang tunay na Diyos, si Jehova. (2 Timoteo 3:1-5) Pinatutunayan ito ng sumusunod na karanasan mula sa Togo, Kanlurang Aprika.
Nag-aral si Casimir sa isang paaralang Katoliko at sumailalim sa kaniyang unang Komunyon sa edad na siyam. Gayunman, pagsapit niya ng edad 14, huminto na si Casimir sa pagsisimba. Dahil dito ay nabuhay siya sa takot sapagkat inakala niyang ang pagliban sa Misa ay hahantong sa pagtungo niya sa maapoy na impiyerno, o sa paano man sa purgatoryo.
Sa paaralan, sumali si Casimir sa isang grupo ng mga kabataan na nagtatagpo minsan isang linggo upang mag-aral ng Bibliya. Nagsimula rin siyang magbasa ng Bibliya nang sarilinan. Minsan, nabasa ni Casimir sa aklat ng Apocalipsis ang tungkol sa nakapangingilabot na mabangis na hayop na umahon sa dagat. (Apocalipsis 13:1, 2) Nang tanungin niya tungkol dito ang lider ng kanilang grupo sa pag-aaral ng Bibliya, sinabi nito sa kaniya na ang hayop ay totoo at ito ay aktuwal na aahon sa dagat. Nagulumihanan si Casimir sa paliwanag na ito dahil malapit lamang ang tirahan niya sa Baybayin ng Atlantiko. Kumbinsido siya na mapapabilang siya sa mga unang mabibiktima ng mabangis na hayop.
Sinimulan ni Casimir na mag-ipon ng pera para makatakas siya patungo sa disyerto sa gawing hilaga upang maiwasan ang mabangis na hayop. Sinabi niya sa isang kaklase ang tungkol sa kaniyang mga plano. Palibhasa’y isang Saksi ni Jehova, ang kaklase ay tumiyak sa kaniya na walang gayong literal na hayop na aahon mula sa dagat. Di-nagtagal pagkaraan nito, si Casimir ay inanyayahang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Nasiyahan siya sa mga pulong at regular na siyang dumalo. Pumayag din siyang mag-aral ng Bibliya sa tahanan.
Habang sumusulong si Casimir sa kaniyang pag-aaral, nagsimula ang pagsalansang ng pamilya. Ang kaniyang pamilya ay sumasamba sa mga ninuno at kumakain ng karneng di-pinatulo ang dugo na natira mula sa mga paghahain. Nang magalang na tanggihan ni Casimir ang pagkain ng karne, siya’y pinagbantaan at sinabihang lumayas na sa kanilang bahay. Nanatiling kalmado si Casimir, at hindi naman naisagawa ang mga banta. Subalit, sa loob ng tatlong buwan, puro gayong karne ang inihahain sa pagkain ng pamilya. Nagkaproblema si Casimir sa pagkakaroon ng sapat na makakain, ngunit tiniis niya ito at ang iba pang kahirapan.
Si Casimir ay patuloy na sumulong sa espirituwal hanggang sa siya’y mag-alay at magpabautismo. Nang maglaon, siya’y nahirang na isang ministeryal na lingkod at nag-aral sa ikaapat na klase ng Ministerial Training School sa Togo. Sa kasalukuyan, siya ay masaya sa boluntaryong pagtatrabaho sa sangay.
Oo, napatunayang totoo ang mga salita ni Haring David sa maraming kalagayan: “Kung hahanapin mo [si Jehova], hahayaan niyang masumpungan mo siya.”—1 Cronica 28:9.
[Mga larawan sa pahina 8]
Masaya si Casimir (sa kanan) sa boluntaryong pagtatrabaho sa sangay