Pag-iingat ng Isang Mabuting Pangalan
ANG pagsusuri sa isang magandang larawang iginuhit ay maaaring maging isang kapaki-pakinabang na karanasan. Kung tititigan, mapapansin ng isa kung paanong ang isang pintor ay gumamit ng daan-daang paghagod ng kaniyang pinsel upang ipinta ang iba’t ibang kulay sa kanbas.
Sa katulad na paraan, ang isang mabuting pangalan ay ginagawa, hindi sa pamamagitan ng isang malaking paghagod ng pinsel, wika nga, kundi sa pamamagitan ng maliliit na paggawi sa paglipas ng panahon. Oo, unti-unting nabubuo ang ating reputasyon sa pamamagitan ng ating mga ginagawa.
Sa kabilang banda naman, ang isang maling paghagod ng pinsel ay makapagpapababa sa halaga ng iginuhit na larawan. Gayundin sa ating pangalan. Sabi ng marunong na si Haring Solomon: “Ang kamangmangan ng makalupang tao ang pumipilipit sa kaniyang lakad.” (Kawikaan 19:3) Isa lamang maliit na tinatawag na kamangmangan—marahil ay isang marahas na bugso ng galit, isang pagpapakalabis sa inuming de-alkohol, o isang maruming gawi sa sekso—ang durungis sa isang malinis na reputasyon. (Kawikaan 6:32; 14:17; 20:1) Samakatuwid, napakahalaga para sa atin na magsikap na makamit ang isang mabuting pangalan at gumawang masigasig upang maingatan ito.—Ihambing ang Apocalipsis 3:5.