Mas Maigi Pa Kaysa sa mga Kosmetiko
MATAPOS tukuyin ang “panlabas na mga pantulong” na ginagamit ng mga babae bilang pampaganda, nagpayo si apostol Pedro: “Sa halip, ang inyong kagandahan ay dapat na nagtataglay ng inyong tunay na pagkataong loob, ang walang-maliw na kagandahan ng isang mahinahon at tahimik na espiritu, na may pinakamalaking halaga sa paningin ng Diyos.”—1 Pedro 3:3, 4, Today’s English Version.
Kapansin-pansin, nang isulat ng apostol ang tungkol sa gayong panlabas na mga panggayak, ginamit niya ang isang anyo ng salitang Griego na koʹsmos, na siya ring ugat ng salitang Tagalog na “kosmetiko,” na nangangahulugang “gamit na pampaganda lalo na sa balat.” Pinagbabawalan ba ni Pedro ang mga Kristiyanong babae na gumamit ng makeup at iba pang pampagandang tulad nito? Walang ipinahihiwatig ang Salita ng Diyos hinggil diyan. Sa halip, ipinahihintulot nito ang personal na desisyon sa bagay na iyan, kaya nga inaasahan na magkakaroon ng iba’t ibang antas ng paggamit.
Gayunman, kapag naging sobra ang paglalagay ng makeup, o inilagay sa antas na nagiging kapansin-pansin na sa iba, anong impresyon ang ibinibigay nito? Hindi ba ito nagiging mukhang magaspang, di-mahinhin, mapagpasikat, o makasarili? Sa katunayan, nagiging mumurahin tuloy ang hitsura ng isang babae dahil dito, anupat malamang na magbigay ng maling impresyon kung tungkol sa moralidad.—Ihambing ang Ezekiel 23:36-42.
Dahil dito, ang isang babae “na nag-aangking nagpipitagan sa Diyos” ay magsisikap, kung siya’y maglalagay ng mga kosmetiko, na makita sa kaniyang mukha ang katangian ng katinuan ng pag-iisip, kahinahunan, kabaitan, at kahinhinan. Ang mga katangiang iyan ay lalong magpapatingkad sa kaniyang kagandahan at alindog. Sa katunayan, mag-makeup man siya o hindi, makikita sa kaniya ang dignidad at panloob na kagandahan. Maipaaaninag nito ang kaniyang kaalaman na, gaya ng ipinahihiwatig ng mga salita ni Pedro na sinipi sa itaas, may mas maigi pa kaysa sa mga kosmetiko.—1 Timoteo 2:9, 10.