Patnubay sa Pagpili ng Mabubuting Kasama
ANG mga kabataan ay humihingi ng patnubay sa kanilang mga kasama sa halip na sa kanilang mga magulang pagdating sa pananamit at musika, ang sabi ng isang report sa Reader’s Digest. Napakahalaga kung gayon na malaman ng mga magulang kung kanino at saan nakikisama ang kanilang mga anak.
“Pananagutan ninyo na magsiyasat,” ang sabi ni Esmé van Rensburg, matagal nang tagapagturo sa departamento ng sikolohiya sa isang pamantasan sa Timog Aprika. Ganito pa ang sabi niya: “Maaaring mainis ang inyong anak sa inyo, subalit huhupa rin ito.” Pagkatapos ay ibinigay niya ang sumusunod na mga tip sa mga magulang. Ang mga alituntunin ay dapat na makatuwiran at may tiyak na mga saligang simulain; makinig sa inyong anak; huwag magalit, kundi manatiling mahinahon, at tiyakin kung ano ang nais ninyong sabihin. Kung ang inyong anak ay kaibigan na ng isang di-kaayaayang kasama, magtuon ng pansin sa di-magandang pag-uugali na naitaguyod ng pagkakaibigan sa halip na basta ipagbawal ang patuloy na pakikisama.
Ang mabisang payo para sa mga magulang ay matagal nang taglay ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Halimbawa, sinasabi nito: “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Ibinibigay rin ng Kasulatan ang mabisang payong ito hinggil sa pagpili ng mga kasamahan: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang may pakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Inilalarawan ng mga halimbawang ito ang karunungang makukuha niyaong mga bumabasa sa Bibliya nang may pagpapahalaga at nagkakapit ng mga sinasabi nito sa kanilang araw-araw na pamumuhay.