“Maligayang Asawang Lalaki ng Isang Kaakit-akit na Kabiyak”
KUNG minsan, tahasang inaakusahan ng ilang tao ang mga Saksi ni Jehova na sumisira sa pagsasama ng mga mag-asawa. Gayunman, lumilitaw na hindi ito totoo kung titingnan ang maraming matagumpay na pag-aasawa kung saan isa lamang sa mag-asawa ang Saksi ni Jehova. Ang pagsunod sa payo ng Bibliya may kinalaman sa buhay pampamilya ay nagbubunga ng maliligayang pag-aasawa, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na liham na inilathala sa isang pahayagang Pranses.
“Sa loob halos ng 28 taon na ngayon, ako’y naging maligayang asawang lalaki ng isang kaakit-akit na kabiyak na isang Saksi ni Jehova. Pinalaki niya ang aking limang anak, na dalawa rito ay hindi niya anak, na may pare-parehong pangangalaga at saganang pag-ibig. Sa kasalukuyan, bilang isang direktor ng isang kompanyang may 45 empleado, matitiyak ko sa inyo na malaki ang naitulong niya sa tagumpay ko sa aking propesyon. Kaya naman nang makita ko ang isang artikulo sa aking regular na pahayagan na nagsasabing ang mga Saksi ni Jehova ay isang panganib sa rehiyon ng Lot-et-Garonne, nagpasiya akong magbigay sa inyo ng isang mapanghahawakang testimonyo.”
Ganito pa ang sabi ng liham: “Hindi sila naninigarilyo o naglalasing. Isang panganib ba ito? Sila’y mapagparayang mga Kristiyano na hindi iginigiit sa sinuman ang mga tuntuning kanilang sinusunod. Sa halip, huwaran sila sa maraming paraan. . . . Hindi sila napapasangkot sa mga iskandalo sa pananalapi o sa ilegal na pangangalakal ng droga. Hindi sila gumagawa ng panata ng pananatiling walang asawa at matitiyak ko sa inyo, normal ang pamumuhay nila. . . .
“Maaaring itanong ninyo sa akin: Kung gayon, bakit ikaw mismo ay hindi isang Saksi ni Jehova? Sapagkat kailangan ang Kristiyanong pananampalataya at mahigpit na moral, at mahirap itong masumpungan sa karaniwang mga tao.”