Tinitimbang ang Trabaho at Paglilibang
“MAGANDANG kasuutan ang paglilibang, subalit hindi ito maaaring isuot nang palagian.” Sa pamamagitan ng mga pananalitang ito, angkop na inilarawan ng isang di-kilalang manunulat ang kahalagahan ng paglilibang. Subalit, kaniyang ipinakita na dapat itong timbangan ng mabungang gawain.
Ang bagay na ito ay binigyang pansin din ng kinasihang manunulat ng Bibliya na si Solomon. Ibinigay ng marunong na haring ito ang dalawang kalabisan na dapat iwasan. Una, sinabi niya: “Ang hangal ay naghahalukipkip ng kaniyang mga kamay at kumakain ng kaniyang sariling laman.” (Eclesiastes 4:5) Oo, ang pagiging makupad ay maaaring magdala sa isa sa karukhaan. Bunga nito, maaaring manganib ang kalusugan ng isang tamad, at maging ang kaniyang buhay. Sa kabilang dako, mayroong ilan na isinasakripisyo ang lahat alang-alang sa puspusang pagtatrabaho. Inilarawan ni Solomon ang kanilang walang-tigil na pagpapagal bilang “walang kabuluhan at paghahabol sa hangin.”—Eclesiastes 4:4.
May mabuting dahilan kaya iminungkahi ni Solomon ang isang pagkatimbang: “Mas mabuti ang sandakot na kapahingahan kaysa sa dalawang dakot ng pagpapagal at paghahabol sa hangin.” (Eclesiastes 4:6) Kailangan na ang isang tao ay “[dulutan] ng kabutihan. . . dahil sa kaniyang pagpapagal”—na nangangahulugang paminsan-minsan ay naglalaan siya ng panahon upang tamasahin ang bunga ng kaniyang pinaghirapan. (Eclesiastes 2:24) At kailangang may iba pang bagay sa buhay bukod sa sekular na trabaho. Ang ating pamilya ay nararapat na paglaanan natin ng panahon. Idiniin ni Solomon na ang ating pangunahing katungkulan ay, hindi ang sekular na trabaho, kundi ang paglilingkod sa Diyos. (Eclesiastes 12:13) Ikaw ba ay isa sa mga nagtatamasa ng isang timbang na pangmalas sa trabaho?