Ang mga Tao—Nakahihigit Lamang sa mga Hayop?
“Mahalaga pa ba kung ano ang pinaniniwalaan natin tungkol sa pinagmulan ng buhay?”
Ito ang tanong na ibinangon ng isang 16-anyos na batang babae sa Brazil sa pambungad ng kaniyang pahayag hinggil sa paksang “Ang mga Tao—Nakahihigit Lamang sa mga Hayop?” Siya’y inanyayahan ng kaniyang guro na magsalita sa klase may kinalaman sa tanong na ito, pagkatapos tumanggap ang kaniyang guro ng isang kopya ng Hunyo 22, 1998, na labas ng Gumising! tungkol sa paksang ito.
Itinampok ng kabataang Saksi kung gaano kapaha-pahamak ang turo ng ebolusyon na batay sa “natural selection.” Halimbawa, ipinapalagay ng maraming tao na ang teoriya ng ebolusyon ay umakay sa ilan na malasin ang digmaan na isa lamang bahagi ng walang-katapusang pakikipagpunyagi upang mabuhay, anupat nakatulong sa madaling pag-unlad ng Facismo at Nazismo.
Ipinakita ng estudyante na may napakalaking agwat sa pagitan ng mga tao at ng mga hayop. Aniya: “Ang mga tao lamang ang makapagpapaunlad ng espirituwalidad. Ang mga tao lamang ang nagsisikap na tumuklas sa kahulugan at layunin ng buhay. Ang mga tao lamang ang nababagabag sa kamatayan, nababahala tungkol sa kanilang pinagmulan, at may pagnanasa na mabuhay magpakailanman. Anong pagkahala-halaga nga na gumugol tayo ng panahon upang alamin ang higit pa tungkol sa ating pinagmulan!”
Pinuri ng guro ang mainam na presentasyon. Kaniyang iniugnay ang tagumpay na ito sa bagay na mahilig magbasa ang kabataang Saksi na ito. Ang batang babae ay kilala sa paaralan bilang isang masugid na mambabasa ng mga publikasyong salig sa Bibliya na gaya ng Gumising! at Ang Bantayan.
Ang mga Saksi ni Jehova ay taimtim na nababahala tungkol sa epekto ng teoriya ng ebolusyon sa mga puso’t isipan ng mga kabataan. Dahil dito, hinimok ng kongregasyong kinauugnayan ng batang babae na ito ang mga kabataang Saksi na magbigay ng isang kopya ng Hunyo 22, 1998, na magasing Gumising! sa kanilang mga guro at mga kamag-aral. Mga 230 magasin ang naipamahagi sa iba’t ibang paaralan sa lunsod. Ang puno ng Departamento sa Siyensiya sa isang paaralan ay sumuskribe sa magasing Gumising!
Oo, mahalaga kung ano ang pinaniniwalaan natin tungkol sa pinagmulan ng buhay! Ipinakita ng kabataang ito at ng kaniyang mga kaibigan na ang paniniwala sa Maylalang ay talagang mahalaga sa kanilang buhay.