Namatay Siya Dahil sa Isang Prinsipyo
GINUGUNITA natin si August Dickmann (ipinanganak noong 1910), isang Saksi ni Jehova.” Gayon nagpapasimula ang inskripsiyon sa isang plake (ipinakikita rito) na inilabas kamakailan sa dating kampong piitan ng Sachsenhausen. Bakit karapat-dapat ang isang Saksi ni Jehova sa gayong plake? Ang natirang bahagi ng inskripsiyon ang naglalahad ng kuwento: “Binaril [siya] ng mga SS sa publiko noong Setyembre 15, 1939 dahil sa pagtutol niya udyok ng kaniyang budhi.”
Si August Dickmann ay ikinulong sa kampong piitan ng Sachsenhausen noong 1937. Tatlong araw pagkaraang sumiklab ng Digmaang Pandaigdig II noong 1939, inutusan siya na lagdaan ang dokumento ng pagpapasinaya sa paglilingkuran niya sa militar. Nang tumanggi siya, ang kumandante ng kampo ay tumawag kay Heinrich Himmler, pinuno ng SS (Schutzstaffel, mga piling sundalo ni Hitler), at humingi ng permiso na patayin si Dickmann sa harap ng lahat ng iba pang nakakulong sa kampo. Noong Setyembre 17, 1939, ang The New York Times ay nag-ulat mula sa Alemanya: “Si August Dickmann, 29 na taóng gulang, . . . ay binaril dito sa pamamagitan ng isang firing squad.” Sinabi ng pahayagan na siya ang unang Aleman na tumutol sa digmaang iyon udyok ng kaniyang budhi.
Animnapung taon pagkaraan, noong Setyembre 18, 1999, ginunita ng Brandenburg Memorial Foundation ang kamatayan ni Dickmann, at ang alaalang plake ay nagpapagunita ngayon sa mga bisita ng kaniyang lakas ng loob at matibay na pananampalataya. Ang ikalawang plake na nasa panlabas na pader ng dating kampo ay nagpapagunita sa mga bisita na si Dickmann ay isa lamang sa halos 900 Saksi ni Jehova na nagdusa sa Sachsenhausen dahil sa kanilang mga paniniwala. Marami pa ang nagdusa sa ibang kampo. Oo, maging sa mahihirap na kalagayan sa mga kampong piitan, marami ang nanatiling tapat sa makadiyos na mga prinsipyo.
Sa mga Saksi ni Jehova, katungkulan ng isang Kristiyano na “magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad [ng pamahalaan].” (Roma 13:1) Gayunman, kapag sinisikap ng mga pamahalaan na pilitin silang lumabag sa mga batas ng Diyos, kanilang sinusunod ang halimbawa ng mga apostol ni Kristo, na nagsabi: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Bilang resulta, sa isang sanlibutan kung saan ang pag-aalitan ng mga tribo at ang etnikong pagkakapootan ay nagdulot ng kagimbal-gimbal na karahasan, ang mga Saksi ni Jehova saanman, tulad ni August Dickmann, ay nagtataguyod ng kapayapaan. Kanilang sinusunod ang tagubilin ng Bibliya: “Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.”—Roma 12:21.