Tinutulan ng mga Magulang ang Pagtatangi ng Isang Guro
Isang guro sa paaralang elementarya sa Cassano Murge, Italya, ang nagbigay ng mga sticker na iuuwi ng ilan sa kaniyang mga estudyante. Ang mga sticker na ito, na nilayon para idikit sa harapang pintuan, ay nagsasaad ng ganitong pananalita: “Kami ay mga Katoliko. Hinihilingan ang mga Saksi ni Jehova na huwag kumatok sa pintuang ito.”
Ang ilan sa mga magulang ng mga estudyante, bagaman sila mismo ay hindi mga Saksi ni Jehova, ay mariing tumutol sa ginawa ng guro. Ayon sa pahayagang Muoviti Muoviti, ipinaratang ng mga magulang na ‘ang pagbibigay sa mga bata ng ganitong uri ng mensahe ay umaakay sa kanila na tanggihan ang sinuman na ang pag-iisip ay hindi katulad ng sa kanila o kaya’y huwag tanggapin ang isa dahil sa “iba” ang kaniyang relihiyon.’ Tinagurian ng isang magulang na sumulat sa pahayagan ang sticker bilang “ang binhi ng isang panirang-damo, ang anak ng kamangmangan at kahangalan.”
Gaya ng ipinakikita ng ulat na ito, maraming walang-kinikilingang tao ang nakababatid sa mga panganib ng paghahasik ng mga binhi ng pagtatangi. May paggalang din sila sa ministeryong Kristiyano na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong Italya at sa buong daigdig. Bakit hindi itanong sa mga Saksi ang ‘katuwiran para sa pag-asang taglay nila’? Malulugod silang ipakipag-usap ito sa iyo, anupat ginagawa ito taglay ang “matinding paggalang.”—1 Pedro 3:15.