Nagdudulot ng Kaluwalhatian sa Diyos ang Maiinam na Gawa
YAONG mga umiibig sa Diyos ay nagsisikap na magpaaninaw ng espirituwal na liwanag mula sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Sa ganitong paraan, sinusunod nila ang utos ni Jesus: “Pasikatin ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang kanilang makita ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa mga langit.” (Mateo 5:16) Ang binigkas na salita at gayundin ang matuwid na paggawi ay makapagdudulot ng kaluwalhatian sa Diyos.
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na palugdan ang Diyos sa pamamagitan ng paggawi na kasuwato ng Bibliya at sa pamamagitan ng pagsisikap na tulungan ang iba sa espirituwal na paraan. Isinasagawa nila ito maging sa mga lupain kung saan ang kanilang pangmadlang ministeryo ay hindi pa nairehistro nang legal. Sa kabiserang lunsod ng isa sa mga bansang ito, matagal nang nagdaraos ang mga Saksi ng taunang mga kombensiyon na dinadaluhan ng mula 6,000 hanggang 9,000 katao. Para sa gayong mga pagtitipon, umuupa sila ng mga bulwagan sa isang lugar ng mga gusali kung saan isinasagawa ang mga eksibit ng mga kalakal. Gaya ng kanilang ginawa sa nakalipas na mga taon, bago ang kanilang kombensiyon noong 1999, daan-daang Saksi ang nagpagal upang linisin ang mga pasilidad at isaayos ang sound system at libu-libong upuan.
Ang lahat ng paghahandang ito ay nakatawag-pansin. Naobserbahan ng mga kawani ng pangasiwaan ng mga gusali ang mga gawaing ito. Nakita rin nila na, bagaman may pinakamataas na bilang ng dumalo na 15,666, ang lahat ay naging maayos at ang mga Saksi ay napakadisiplinado. Humanga rin ang mga kawani sa lubus-lubusang paglilinis na isinagawa pagkatapos nito.
Ipinakita ng pangasiwaan ang kanilang pagpapahalaga sa lahat ng ito sa paglalagay sa mga Saksi sa listahan ng mga priyoridad upang sila ang mabigyan ng unang pagkakataon na umupa sa gusali sa susunod na taon. Ngunit higit pa ang ginawa ng pangasiwaan. Noong Hulyo 15, 1999, binigyan nila ang komite ng kombensiyon ng isang gantimpala ng pagpapahalaga. Nakaukit sa plake ang mga salitang “ang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova”—isang bagay na hindi inaasahan sa isang bansa kung saan ang kanilang gawaing pagtuturo ng Bibliya ay nasa ilalim ng mga paghihigpit.
Sa buong daigdig sa 2000/2001, milyun-milyon ang inaasahan na dadalo sa daan-daang “Mga Tagatupad ng Salita ng Diyos” na Pandistritong mga Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Sa iyong pagdalo, personal mong makikita kung paanong ang mga marubdob na gumagawa ng kung ano ang sinasabi sa Bibliya ay nakikibahagi sa maiinam na gawa na nagdudulot ng kaluwalhatian sa Diyos.