Maka-Diyos na Karunungan—Paano ba Ito Ipinamamalas?
“ANG karunungan ng isang nagdarahop ay hinahamak, at ang kaniyang mga salita ay hindi pinakikinggan.” Sa pamamagitan ng mga pananalitang ito, tinapos ng matalinong si Haring Solomon ang kuwento ng isang hamak ngunit marunong na tao na nagligtas sa buong lunsod mula sa pagkapuksa. Gayunman, nakalulungkot na “walang taong nakaalaala sa nagdarahop na lalaking iyon.”—Eclesiastes 9:14-16.
Ang tao ay may hilig na hamakin ang mga taong dukha, kahit na ang mga maralitang ito’y nakapagsagawa ng mararangal na gawa. Totoo ito sa kaso ni Jesus. Humula si Isaias hinggil sa kaniya: “Siya ay hinamak at iniwasan ng mga tao, isang taong nauukol sa mga kirot at sa pagkakaroon ng kabatiran sa sakit.” (Isaias 53:3) Si Jesus ay hinamak ng ilan dahilan lamang sa hindi niya taglay ang katayuan o katanyagan ng kilalang mga lider ng kaniyang kaarawan. Gayunman, nagtataglay siya ng karunungan na makapupong higit kaysa sa sinumang makasalanang tao. Tumangging kilalanin ng mga tao sa sariling bayan ni Jesus na ang “anak ng karpintero” na ito ay nagpamalas ng gayong karunungan at nagsagawa ng gayong makapangyarihang mga gawa. Gayunman, iyon ay isang malubhang pagkakamali, sapagkat ang ulat ay nagpatuloy sa pagsasabi na si Jesus ay ‘hindi gumawa ng maraming makapangyarihang gawa roon dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya.’ Anong kawalan para sa mga taong iyon!—Mateo 13:54-58.
Nawa’y hindi natin magawa ang gayunding pagkakamali. “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito,” sabi ni Jesus. Yaong mga nagsasagawa ng gawain ng Diyos at nagbabahagi ng makalangit na karunungan ay makikilala, hindi sa pamamagitan ng kanilang katayuan o kalagayang panlipunan, kundi sa pamamagitan ng “mainam na bunga” na ipinamamalas nila—ang kanilang salig-Bibliya na pananampalataya at mga gawa.—Mateo 7:18-20; 11:19.