Pag-ibig Kristiyano—Hindi Lamang sa Salita
NANG masunog ang kanilang bahay sa Trinidad, nawala ang lahat sa pamilya ng Bartholomew maliban lamang sa kanilang buhay. Isang kamag-anak na naninirahan sa malapit ang kumupkop sa kanila, ngunit hindi pa diyan nagtapos ang kuwento.
Si Olive Bartholomew ay isa sa mga Saksi ni Jehova, at ang mga miyembro ng kongregasyon na kinauugnayan niya—maging ang iba pang mga nakapalibot na kongregasyon sa lugar nila—ay nagsimulang magbigay ng mga abuloy para sa pagpapatayo ng panibagong bahay nilang mag-anak. Isang komité ang binuo upang mapangasiwaan ang proyekto sa paggawa ng bahay, at nagsimula ang pagtatayo. Mga 20 Saksi, kasama ang ilang kapitbahay, ang naroroon. Maging ang mga kabataan ay sumali rin, samantalang ang iba naman ay tumutulong sa pagbibigay ng meryenda.
“Tuwang-tuwa ang aking pamilya,” sabi ni Olive, gaya ng nakaulat sa Sunday Guardian ng Trinidad. “Hindi sila mga Saksi, at hindi pa rin makapaniwala ang aking asawa sa kaniyang nakikita.”
Sa pagbubuod ng mga pagsisikap na ginawa, idiniin ng tagapag-ugnay sa proyekto ng pagtatayo na ang gayong mga gawa ay talagang mga pagkakakilanlan ng tunay na Kristiyanismo. “Hindi lamang kami nagbabahay-bahay at nakikipag-usap tungkol sa pag-ibig,” sinabi niya. “Aming sinisikap na isagawa ang aming ipinangangaral.”—Juan 13:34, 35.
[Larawan sa pahina 32]
Si Olive Bartholomew kasama ang kaniyang asawa