Ang Panloob na Kagandahan ay May Halagang Hindi Kumukupas
“SA ISANG BINATA, KATUMBAS NG KAGANDAHAN ANG KAGALINGAN,” ANG NAPANSIN NG ISANG TAPAT AT MAY EDAD NANG KRISTIYANO.
Oo, may hilig ang tao na labis na bigyang-pansin ang panlabas na kagandahan, anupat kadalasan itong humahantong sa maling paghatol sa panloob na halaga. Gayunpaman, ang ating Maylalang ay tumitingin sa kung ano ang kaloob-loobang pagkatao natin, anuman ang ating panlabas na hitsura. Sa ganitong paraan, inilalaan niya ang pinakamahusay na halimbawa ng maygulang na paghatol. Ayon sa Bibliya, ang Diyos mismo ang nagsabi: “Hindi ayon sa paraan ng pagtingin ng tao ang paraan ng pagtingin ng Diyos, sapagkat ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.”—1 Samuel 16:7.
Ang Diyos ang Bukal ng tunay na kagandahan ng tao, at isinisiwalat ng kaniyang Salita na kapag humuhusga sa totoong halaga ng isang tao, ang espirituwal na mga katangian ang pinakamahalaga. Binabanggit ng Bibliya: “Ang halina ay maaaring magbulaan, at ang kariktan ay maaaring walang-kabuluhan; ngunit ang babaing may takot kay Jehova ang siyang nagkakamit ng papuri para sa kaniyang sarili.” (Kawikaan 31:30) Oo, maaaring itago ng panlabas na kagandahan ang panloob na kapangitan. (Esther 1:10-12; Kawikaan 11:22) Bagaman ang pisikal na kagandahan ay maaaring maglaho sa paglipas ng panahon, ang panloob na kagandahan—ang mga katangian ng puso—ay maaaring lumago at manatili.
Tunay na karunungan nga, kung gayon, na linangin ang mga katangiang tulad ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili! (Galacia 5:22, 23) Sa gayon, ating matatamo ang panloob na kagandahan, na talagang may halagang hindi kumukupas.—1 Pedro 3:3, 4.