Nalalapit na ba ang Pagkakaisa sa Relihiyon?
“Nasasaksihan natin ang isang mahalagang araw sa kasaysayan ng ating mga simbahan,” sabi ni Christian Krause, presidente ng Lutheran World Federation. Gayundin, nagsalita si Pope John Paul II tungkol sa “isang mahalagang pangyayari sa mahirap na daan tungo sa pagsasauli ng lubos na pagkakaisa sa gitna ng mga Kristiyano.”
Ang masisiglang pahayag na ito ay naudyukan ng paglagda sa isang Opisyal na Panlahatang Pahayag noong Oktubre 31, 1999, sa Augsburg, Alemanya, anupat pinagtitibay ang Pinagsamang Deklarasyon sa Doktrina ng Pag-aaring-Matuwid. Mahusay ang pagkakapili sa oras at lugar ng okasyon. Sinabi na noong Oktubre 31, 1517, ipinako ni Martin Luther ang kaniyang 95 tesis sa pintuan ng kastilyong simbahan sa Wittenburg, anupat pinasimulan nito ang Protestanteng Repormasyon. Siyempre pa, sa Augsburg iniharap ng mga Luterano noong 1530 ang kanilang pangunahing paniniwala, ang Augsburg Confession, na tinanggihan ng Simbahang Katoliko, anupat humantong sa isang di-malutas na hidwaan sa pagitan ng Protestantismo at Katolisismo.
Ang Pinagsamang Deklarasyon kaya ay magiging isang tiyak na hakbang upang mapagtagumpayan ang pagkakabaha-bahagi ng simbahan, gaya ng pag-aangkin dito? Hindi naniniwala ang lahat ng partido. Mahigit na 250 teologong Protestante ang pumirma sa isang sumasalungat na petisyon, anupat nagbababala laban sa posibleng panunupil ng Simbahang Katoliko. Nagalit din ang mga Protestante nang idineklara ng Simbahang Katoliko ang isang pantanging indulhensiya para sa taóng 2000, ang mismong kaugalian na naging sanhi ng hidwaan mga 500 taon na ang nakalipas. At yamang parehong may bisa pa rin ang Augsburg Confession at ang sagot ng Katoliko sa pamamagitan ng Konseho ng Trent, malabong maisakatuparan ang pagkakaisa.
Ang pagkakabaha-bahagi at hindi pagkakaunawaan sa loob ng Sangkakristiyanuhan ay makapupong mas malaki kaysa sa maaaring ayusin ng anumang pinagsamang deklarasyon. Karagdagan pa, nagiging posible ang pagkakaisa sa pananampalataya kapag ang mga paniniwala ay matibay na nakasalig sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Efeso 4:3-6) Sa halip na sa pamamagitan ng pakikipagkompromiso, ang tunay na pagkakaisa ay nagmumula sa pagkatuto at paggawa ng hinihiling ng Diyos sa atin. “Ang lahat ng mga bayan, sa ganang kanila, ay lalakad bawat isa sa pangalan ng kaniyang diyos,” pahayag ng tapat na propetang si Mikas, “ngunit tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.”—Mikas 4:5.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
© Ralph Orlowski/REUTERS/Archive Photos