‘Pasalamatan ang mga Saksi ni Jehova—Dahil sa Kalayaan sa Relihiyon’
“BAGO mo pagsarhan ng pinto ang isang Saksi ni Jehova,” sabi ng isang artikulo sa pahayagang USA Today, “saglit kang huminto upang pag-isipan ang kahiya-hiyang pag-uusig na dinanas nila hindi pa gaanong katagalan, gayundin ang napakalaking tulong na naibigay nila ukol sa mga kalayaang kaugnay ng First Amendment na tinatamasa nating lahat.” Ang mga Saksi ni Jehova ay pinag-usig sa Estados Unidos noong dekada ng 1940 dahil sa pagtangging sumaludo sa bandila, bukod pa sa ibang mga bagay.—Exodo 20:4, 5.
Mga 30 kaso na nagsasangkot sa mga Saksi ni Jehova ang iniharap sa Korte Suprema ng Estados Unidos sa loob ng limang taon sa pagitan ng 1938 at 1943. Sinabi ng artikulo: “Napakadalas na nagbangon ang mga Saksi ng napakahahalagang isyu may kaugnayan sa First Amendment anupat sumulat ang hukom ng Korte Suprema na si Harlan Fiske Stone, ‘Ang mga Saksi ni Jehova ay dapat na tumanggap ng kaloob na panustos dahil sa tulong na ibinibigay nila sa paglutas sa legal na mga suliranin may kinalaman sa mga kalayaang sibil.’ ”
Kaya sinabi ng artikulo sa bandang katapusan nito: “Dapat na pasalamatan ng lahat ng relihiyon ang mga Saksi ni Jehova dahil sa paglawak ng kalayaan [sa relihiyon].”
[Picture Credit Lines sa pahina 32]
Sa likuran, gusali: Photo by Josh Mathes, Collection of the Supreme Court of the United States; kaliwa sa gawing ibaba, mga hukom: Collection of the Supreme Court of the United States