‘Tulad ng Mahalagang Kulay-Pulang Bato’
SI APOSTOL Juan ay nagkaroon ng isang pangitain hinggil sa isang maluwalhating trono sa langit. Ang Isa na nakaupo sa trono ay “tulad ng batong jaspe.” Siya rin ay tulad ng “mahalagang kulay-pulang bato.” (Apocalipsis 4:2, 3) Anu-ano ang mga bato na ito?
Ang mga ito ay hindi mga batong di-nilalagusan ng liwanag at makintab sa ibabaw. Noong sinaunang panahon, ang salitang Griego na isinaling “jaspe” ay ginagamit upang tukuyin ang mga batong may iba’t ibang kulay, pati na ang mahahalagang hiyas na tinatagusan ng liwanag. Ang “batong jaspe” sa Apocalipsis 4:3 ay “tiyak na hindi ang makabagong mumurahing jaspe,” ang sabi ni A. T. Robertson sa Word Pictures in the New Testament. Karagdagan pa, sa huling bahagi ng aklat ng Apocalipsis, inilarawan ni Juan ang makalangit na lunsod, ang Jerusalem, sa pagsasabi: “Ang kaningningan nito ay tulad ng isang napakahalagang bato, gaya ng batong jaspe na kumikinang na sinlinaw ng kristal.” (Apocalipsis 21:10, 11) Lumilitaw na ang mga batong tinutukoy ni Juan ay nilalagusan ng liwanag.
Ang isa na inilarawang nakaupo sa trono sa pangitain ni Juan ay ang pinakamaluwalhating Persona sa buong uniberso, ang Diyos na Jehova. Siya ang pinakadalisay at pinakabanal sa buong sansinukob. Kasuwato nito, sumulat si apostol Juan: “Ang Diyos ay liwanag at walang anumang kadiliman kung kaisa niya.” (1 Juan 1:5) Kaya hinimok ni Juan ang kaniyang mga kapananampalataya na ‘dalisayin nila ang kanilang sarili kung paanong si Jehova ay dalisay.’—1 Juan 3:3.
Ano ang dapat nating gawin upang ituring tayong dalisay ng Diyos? Kailangang-kailangan ang pagkakaroon ng pananampalataya sa itinigis na dugo ni Kristo para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Dapat din tayong patuloy na ‘lumakad sa liwanag’ sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya at pamumuhay kasuwato ng mga turo nito.—1 Juan 1:7.