“Ang Kinikilalang Pinakamatandang mga Bahagi ng mga Teksto sa Bibliya”
DALAWAMPU’T limang taon na ang nakalilipas, may natuklasang kahanga-hanga ang mga arkeologong Israeli. Sa isang yungib na libingan sa mga dalisdis ng Libis ng Hinom sa Jerusalem, natagpuan nila ang dalawang maliit na balumbong pilak na pinagsulatan ng mga teksto sa Bibliya. Ginawa ang mga balumbon nang panahon bago wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Sinipi ng mga teksto ang bahagi ng mga pagpapalang iniulat sa Bilang 6:24-26. Ilang ulit na lumitaw ang Jehova, ang personal na pangalan ng Diyos, sa dalawang balumbon. Inilarawan ang mga inskripsiyong ito bilang “ang kinikilalang pinakamatandang mga bagay mula sa sinaunang daigdig na nagtatala ng mga bahagi ng Bibliyang Hebreo.”
Gayunman, tinutulan ng ilang iskolar ang pagpepetsa at ikinatuwiran na isinulat ang mga balumbon noong ikalawang siglo B.C.E. Ang isang salik kung bakit hindi nagkakasuwato ang pagpepetsa ay dahil hindi masuring mabuti ang mga detalye ng pagkaliliit na mga balumbong ito yamang hindi maganda ang kalidad ng orihinal na mga litrato ng mga balumbon. Upang malutas ang problema sa pagtiyak kung kailan nagawa ang mga balumbon, isang pangkat ng mga iskolar ang gumawa ng panibagong pagsusuri. Ginamit nila ang pinakabagong teknolohiya sa pagkuha ng litrato gamit ang computer upang makagawa ng napakalinaw na larawan ng mga balumbon. Ang mga resulta ng bagong mga pagsusuri ay inilathala kamakailan lamang. Anu-anong konklusyon ang nabuo ng pangkat ng mga iskolar?
Una sa lahat, itinampok ng mga iskolar na sinusuhayan ng mga datos sa arkeolohiya na nagawa ang mga balumbon bago ang pagkatapon sa Babilonya. Ang pagsusuri naman batay sa paleograpiya—ang pag-aaral upang matiyak kung kailan nagawa ang mga teksto batay sa hugis, istilo, posisyon, paraan, at direksiyon ng pagsulat—ay nagpapahiwatig sa gayunding yugto ng panahon, samakatuwid nga, sa pagtatapos ng ikapitong siglo B.C.E. At kahuli-hulihan, nang isaalang-alang ang ortograpiya, ang siyensiya ng pagbaybay, ganito ang naging konklusyon ng pangkat: “Ang mga datos ng ortograpiya sa mga plake [mga balumbon] ay kasuwato ng katibayan sa arkeolohiya at paleograpiya kung tungkol sa panahon ng pagkakasulat ng mga inskripsiyon.”
Ganito ang pagkakabuod ng babasahing Bulletin of the American Schools of Oriental Research sa ginawang pagsusuri sa mga balumbong pilak, na kilala rin bilang mga inskripsiyong Ketef Hinnom: “Maaari naming pagtibayin kung gayon na tama ang karamihan sa mga iskolar nang sabihin nila na naingatan sa mga inskripsiyon sa mga plakeng ito ang kinikilalang pinakamatandang mga bahagi ng mga teksto sa Bibliya.”
[Picture Credit Lines sa pahina 32]
Kuweba: Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.; mga inskripsiyon: Photograph © Israel Museum, Jerusalem; courtesy of Israel Antiquities Authority