Gusto Mo Bang Magkaroon ng Tunay na mga Kaibigan?
KARAMIHAN sa mga tao ay gustong magkaroon ng tunay na mga kaibigan. Mas masaya tayo kapag naikukuwento natin ang ating mga karanasan sa mga matalik nating kasama. Pero paano ka magkakaroon ng tunay na kaibigan? Mga 2,000 taon na ang nakararaan, sinabi ni Jesus na ang pinakamahalagang salik upang maging maganda ang pakikipag-ugnayan natin sa iba ay ang walang-pag-iimbot na pag-ibig. Itinuro niya: “Kung ano ang ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.” (Lucas 6:31) Ipinahihiwatig ng pananalitang ito, na karaniwang tinatawag na Gintong Aral, na kailangang ikaw ay di-makasarili at bukas-palad upang magkaroon ka ng mga kaibigan. Sa ibang pananalita, para magkaroon ka ng kaibigan, kailangan mong maging isang kaibigan. Paano?
Hindi agad-agad nabubuo ang isang malapít at matalik na pakikipagkaibigan. Kung sa bagay, ang mga kaibigan ay higit pa sa basta kakilala lamang. Sila ang mga taong pinipili mong pagsabihan ng iyong nadarama. Kailangan ng pagsisikap upang maging malapít sa isa at panatilihin ang pagkakaibigang iyon. Sa pakikipagkaibigan, kailangan mong unahin ang kaniyang kapakanan sa halip na ang sa iyo. Ang magkakaibigan ay nagdadamayan sa hirap at ginhawa.
Ipinakikita mong isa kang tunay na kaibigan kung naglalaan ka ng emosyonal at praktikal na tulong sa isang nangangailangan. Sinasabi sa Kawikaan 17:17: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” Sa katunayan, ang buklod ng pagkakaibigan ay maaaring maging mas matibay pa kaysa sa ilang ugnayang pampamilya. Sinasabi sa Kawikaan 18:24: “May mga magkakasamang nagsisiraan, ngunit may kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.” Gusto mo ba ng higit pang impormasyon kung paano ka magkakaroon ng tunay na mga kaibigan? Gusto mo bang mapabilang sa grupo ng mga tao na kilala sa pagkakaroon ng pag-ibig sa isa’t isa? (Juan 13:35) Kung gayon, malulugod ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar na tulungan ka kung paano magkaroon ng tunay na mga kaibigan.