May-edad Na Pero May Nagagawa Pa
DAHIL sa katandaan, marami ang halos hindi na makakilos at nagiging bukod sa lipunan. Pero hindi ganiyan ang naging buhay ni Fernand Rivarol, na namatay sa edad na 95 sa Geneva, Switzerland. Nag-iisa na lamang siya sa buhay dahil patay na ang kaniyang asawa at ang kaniya namang anak na babae ay may-asawa na rin at may sarili nang bahay. Bagaman malimit na nasa bahay lamang, hindi naman siya malungkot. Madalas siyang umuupo sa mesa sa sala, hawak ang telepono, at tinatawagan ang mga tao para ipakipag-usap sa kanila ang espirituwal na mga bagay.
Sa kawili-wiling panahon ng buhay ni Fernand, may pagkakataong nakulong siya. Bakit? Nang maging aktibong mga Saksi ni Jehova si Fernand at ang kaniyang asawa noong 1939, sumiklab naman ang Digmaang Pandaigdig II sa Europa. Nanghawakan si Fernand sa kaniyang salig-Bibliyang pasiya na hindi siya mananakit ng sinuman. Dahil diyan, natanggal siya sa trabaho at nabilanggo nang ilang beses—lima at kalahating taon sa kabuuan—at sa panahong iyon ay nawalay siya sa kaniyang asawa at maliit na anak na babae.
Sa paggunita sa nakaraan, sinabi ni Fernand: “Ang akala ng marami ay iniwan ko ang isang matatag na trabaho at pinabayaan na lamang ang aking pamilya. Hinamak ako ng mga tao at itinuring akong kriminal. Gayunpaman, kapag naiisip ko ang mahirap na mga taóng iyon, ang natatandaan ko ay kung paano kami inalalayan at tinulungan ni Jehova. Maraming taon na ang lumipas mula noon, pero nananatili pa ring matatag ang pagtitiwala ko kay Jehova gaya noon.”
Ang pananampalatayang ito ang nag-uudyok kay Fernand na ibahagi sa iba sa pamamagitan ng telepono ang kaniyang maka-Kasulatang pag-asa. Kapag maganda ang pagtugon ng kausap niya, pinadadalhan niya ito ng literaturang salig sa Bibliya sa pamamagitan ng koreo. Pagkatapos, muli niyang tinatawagan ang indibiduwal na iyon upang kumustahin kung nagustuhan nito ang publikasyon. Kung minsan, sinusulatan siya ng mga nakausap niya para magpasalamat, at tuwang-tuwa siya rito.
Maaaring may makipag-usap din sa iyo na katulad ni Fernand sa inyong lugar. Bakit hindi mo pakinggan ang sasabihin niya para malaman mo kung ano ang kaniyang paniniwala? Ang mga Saksi ni Jehova ay laging nalulugod na ibahagi sa iyo ang kanilang paniniwala.