Liham Mula sa Papua New Guinea
Bahura ng Korales sa Ulap
MAALINSANGAN noong alas singko ng umaga ng Martes sa Lae, Papua New Guinea (PNG). Naghahanda kaming mag-asawa papunta sa Lengbati, sa may Bundok Rawlinson sa probinsiya ng Morobe, para dalawin ang isang grupo ng mga Saksi ni Jehova roon.
Mga 30 minuto lamang namin itong lalakbayin sakay ng eroplanong may isang makina at kayang maglulan ng apat na tao. Madalas akong maupo sa tabi ng piloto, at kahit maingay ang makina, nakapag-uusap kami gamit ang headset intercom. Ipinaliwanag niya sa akin ang gamit ng mga gauge at instrumento na nasa harap namin. Nagbiro siya na kung may mangyayari sa kaniya, ako ang magpapalipad ng eroplano. Bigla kong naalaala ang kuwento ng isang naglalakbay na ministro ng mga Saksi ni Jehova rito sa PNG. Nang mawalan ng malay ang kanilang piloto habang sila ay nagbibiyahe, nagpaikut-ikot lamang sila sa ere hanggang sa magkamalay-muli ang piloto at mailapag nang ligtas ang eroplano. Mabuti na lang, walang masamang nangyari sa biyahe namin.
Binagtas namin ang maulap na bulubundukin, at paglabas sa mga ulap, lumiko ang aming eroplano at dinaanan ang tuktok ng isang bundok. Mga 100 metro lamang ang taas namin mula rito. Natanaw namin ang Lengbati, isang nayon na maraming tabi-tabing kubo na may bubong na yari sa patung-patong na kogon. Habang nasa ere, tiniyak ng piloto na ligtas ang aming lalapagan at walang mga bata na naglalaro ng soccer. Tiningnan din niya kung may mga butas na hinukay ang mga baboy mula nang huli siyang lumapag doon. Pagkatapos, sinabi niya, “Mukhang ayos naman ang lahat; subukan nating lumapag.” Umikot kami, at saka lumapag sa maikling runway na ginawa ng mga taganayon sa tinabas na gilid ng bundok na tinambakan kamakailan ng dinurog na batong-apog na korales na kinuha mula sa kalapit na bundok.
Noong una naming mga punta rito, nakita ko ang batong-apog na korales at naisip ko kung gaano na katanda ang kabundukang ito. Isip-isipin na lamang kung gaano kalakas ang puwersang nagdala sa bahurang ito ng korales sa layong daan-daang kilometro mula sa karagatan at sa taas na apat na kilometro! Pagbaba namin ng eroplano, nakatuntong na rin kami sa tinatawag kong bahura ng korales sa ulap.
Gaya ng dati, nang marinig ng mga taganayon ang paglapag ng eroplano, nagtakbuhan sila papalapit sa eroplano. Habang pinapatay ng piloto ang makina, nakita ko ang isang lalaki mula sa pulutong na patungo sa amin. Siya ay si Zung. Isa siya sa mga tagaroon na inatasang mangasiwa sa lingguhang programa ng pagtuturo na idinaraos ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Kilala siya ng mga tagaroon bilang disente, tapat, at maaasahang tao. Sinabi niya na ito ay dahil sa pagkakapit niya ng mga simulain ng Bibliya sa kaniyang buhay. Pagkatapos naming magkumustahan, naglakad kami nang kaunti pababa ng bundok kasama ang iba pang Saksi. Sinusundan kami ng mga kabataan na nag-aagawan sa pagbuhat ng aming mga bag.
Nakarating kami sa isang maliit na bahay na yari sa kahoy na itinayo ng mga Saksi roon para sa ministrong dumadalaw sa kanila tuwing ikaanim na buwan o higit pa. Bagaman ang PNG ay isang tropikal na bansa, malamig sa lugar na ito dahil mataas ito. Sa gabi, sa liwanag ng gasera, madalas kong makita ang ulap—mula sa paanan ng bundok—na pumapasok sa siwang ng sahig na kahoy. Parang kakatwa na kailangan naming magsuot ng dyaket at jeans na pang-ski dahil sa lamig, gayong mga ilang oras lamang ang nakalilipas ay init na init kami sa baybayin.
Noong kalagitnaan ng dekada ’80, isang lalaki ang nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova sa Lae. Pagbalik niya sa Lengbati, nagtayo siya kasama ng iba pa ng isang maliit na dako para pagpulungan. Masayang-masaya sila nang maitayo ito. Pero sinunog ito ng pastor ng simbahang Luterano kasama ang kaniyang mga tagasuporta. Pagkatapos, may-pagyayabang nilang sinabi na ang lugar na ito ay para lamang sa mga Luterano. Sa kabila ng patuloy na pagsalansang, nagtayong muli ang mga Saksi ng dakong pulungan. At patuloy silang dumami at umabot sila sa mga 50 aktibong tagapaghayag ng mabuting balita. Ang ilan sa dating sumasalansang sa mga Saksi ay masisigasig na ring tagapaghayag ng mabuting balita.
Sa ngayon, kadalasan nang mainit ang pagtanggap ng mga taganayon sa mga Saksi ni Jehova na nagtuturo sa kanila ng Bibliya. Bagaman iilan lamang na taganayon ang nakababasa, karamihan ng mga Saksi rito ay nag-aral bumasa upang maibahagi sa iba ang mensahe ng Bibliya. Mga 200 ang dumadalo sa mga pulong sa kanilang Kingdom Hall linggu-linggo.
Walang kuryente sa nayon. Kaya sa gabi, nagsasama-sama kami sa palibot ng isang kubol kung saan kami nagluluto, kumakain, nagkukuwentuhan, at nagtatawanan. Dahil sa malamlam na liwanag ng ningas ng apoy, kitang-kita sa nakangiting mukha ng aming mga kaibigan ang kagalakan sa paglilingkod kay Jehova. Nang malalim na ang gabi, ang ilan ay kumuha ng bombom, o isang piraso ng nagniningas na dahon ng palma, mula sa sigâ. Umaasa sila na ang ningas na ito ay magbibigay-liwanag sa kanila hanggang sa makarating sila sa kanilang bahay.
Habang naglalakad kami pabalik sa bahay, talagang nakabibingi ang katahimikan dito. Ang naririnig lamang namin ay ang ingay ng kalikasan. Bago matulog, muli naming tiningnan ang maaliwalas na langit at hangang-hanga kami sa dami ng bituin na nakikita namin.
Mabilis na lumipas ang isang linggo, at hinihintay na namin ang pagbabalik ng eroplano bukas. Isa pang malamig na gabi sa mga ulap ng Lengbati, pagkatapos ay balik na naman kami sa init at alinsangan ng baybaying aming pinanggalingan.