Tanong
● Kapag ang lahat ng apat na pulong ay idinaraos sa isang umaga o hapon, wasto ba na magkaroon ng intermisyon, upang magkaroon ng panahon sa pagmimeryenda?
Ang karamihan sa mga kongregasyon na mayroong apat na pulong sa isang araw ay nakakasumpong na kung gagawin ito nang walang tigil, matatapos sila sa loob ng 31⁄2 oras. Kung minsan sa mga pandistritong kombensiyon tayo ay nakaupo sa loob halos ng ganitong haba ng panahon nang walang intermisyon, kaya hindi naman talaga magiging mahirap sa mga kapatid kung hindi magsasaayos ng intermisyon.
Gayumpaman, kung nagnanais ang ilang kongregasyon na magkaroon ng 10- o 15-minutong intermisyon pagkatapos ng unang dalawang pulong upang ang mga kapatid ay makapunta sa palikuran o uminom ng tubig, wala namang masama dito. Subali’t hindi dapat na organisahin ng kongregasyon o ng mga indibiduwal ang anumang meryenda sa panahong ito. Ang pangunahing dahilan kung bakit tayo ay dumadalo sa mga pulong ay para sa espirituwal na pagkain. Kapag ang mga kapatid ay naghahanda ng mga meryenda malaking panahon ang naaaksaya sa pagsasaayos nito, at ito’y nakakaabala sa kanila sa higit na mahalagang espirituwal na layunin ng mga pulong.
Ang ilang kongregasyon ay nag-oorganisa ng ganitong meryenda bilang paraan ng pagtitipon ng pera ukol sa kagastusan ng Kingdom Hall, subali’t hindi ito ang paraan upang maisagawa ito. Ang mga abuloy ay dapat na ibigay kaayon ng espiritu ng kusang-loob na pagbibigay sa 2 Corinto 9:7. Naniniwala kami na ang lahat ay makikinabang sa paraang espirituwal sa pagsunod sa mga tagubiling ito, anupa’t “ang lahat ng bagay ay magaganap nang disente at may kaayusan.”—1 Cor. 14:40.