Makikipagpulong ang mga Matatanda sa mga Payunir
1 Sa buwang ito ang isa o dalawang matanda ay makikipagpulong sa lahat ng mga regular at espesyal payunir upang talakayin ang kanilang gawain bilang pambuong panahong mga lingkod. Ang pulong ay tatagal ng humigit-kumulang sa isang oras at susundin ang iminungkahing balangkas na inilaan ng Samahan.
2 Sa pulong na ito makabubuting isaalang-alang ng mga matatanda ang gawain sa larangan ng mga regular payunir. Napansin na marami ang hindi nakaabot sa hinihiling sa kanilang 1,000 oras nang nakaraang taon at nang ang mga matatanda ay sulatan tungkol dito, kanilang inirekomenda na manatili ang maraming payunir sa talaan at sila’y magsisikap na abutin ang kahilingan sa oras sa taóng ito ng paglilingkuran. Ngayong apat na buwan na ang lumipas sa 1990 taon ng paglilingkod, dapat na naabot na ng lahat ng regular payunir ang humigit-kumulang sa ikatlong bahagi ng kanilang taunang oras o humigit-kumulang sa 334 na oras. Kung sila’y nagkukulang pa, kailangan silang tulungan sa pulong na ito upang mapagtakpan nila ang kulang na oras sa natitirang walong buwan sa taon ng paglilingkod.
3 Nakatitiyak kaming ang pulong na ito ay tutulong sa lahat ng mga payunir na higit pang magpahalaga sa kanilang pribilehiyo at pananagutan, anupa’t makapagbibigay ng isang mainam na huwaran para sa lahat sa kongregasyon.