Marami ang Ibinigay—Marami ang Hihingin
1 Kay laking kaluguran para sa atin na magtaglay ng katotohanan! Dahilan sa ating pag-aalay kay Jehova, ipinagkatiwala sa atin ang mabuting balita. (1 Tes. 2:4) Ito’y naglalagay sa atin ng lalong malaking pananagutan. Sinabi ni Jesus: “Bawat isa na binigyan ng marami, marami ang mahigpit na hihingin sa kaniya.”—Luc. 12:48b.
2 Gaano katotoo ang mga salitang ito! Dahilan sa pagiging pinagpala sa pagkakaroon ng kaalaman sa Salita ng Diyos, ng isang kamangha-manghang pagkakapatiran, at ng isang kamangha-manghang pag-asa, walang alinlangan na malaki ang ibinigay sa atin. Makatuwiran kung gayon na malaki ang inaasahan bilang kapalit nito.
3 Panatilihin ang Wastong Pangmalas sa mga Kahilingan: Ipinagpalagay ng ilan na masyadong malaki ang inaasahan sa atin. Bilang Ulo ng Kristiyanong kongregasyon, si Jesu-Kristo ang nagsasabi kung “ano ang kailangan” upang gumana ito nang wasto. (Efe. 4:15, 16) Tinitiyak niya sa atin na ang ‘kaniyang pamatok ay may kabaitan at ang kaniyang pasan ay magaan.’ (Mat. 11:28-30) Siya’y gumagawa ng maibiging konsiderasyon para doon sa nagtataglay ng mga limitasyon. (Luc. 21:1-4) Kung ating ibinibigay ang buong makakaya natin, gaano man iyon, tayo’y pagpapalain.—Col. 3:23, 24.
4 Tanungin ang inyong sarili, ‘Ang mga kapakanan ba ng Kaharian ang nauuna sa aking buhay? Ginagamit ko ba ang aking panahon at tinatangkilik upang purihin ang pangalan ng Diyos at makinabang ang iba? Natatamo ko ba ang pinakamalaking kasiyahan sa paglilingkod kay Jehova sa halip na kasiyahan sa materyal na mga bagay?’ Ang ating tapat na kasagutan sa mga katanungang ito ay maghahayag sa mga motibong nasa loob ng ating mga puso.—Luc. 6:45.
5 Iwasang Matukso na Gumawa ng Masama: Hindi kailanman nagkaroon ng ganitong panggigipit tungo sa pagkamalasarili, pagiging sakim, at pag-ibig sa kahalayan. Sa araw-araw tayo’y napapaharap sa mga tukso na makipagkompromiso. Upang mapagtagumpayan ang mga ito, kailangang hilingin natin kay Jehova na tulungan tayo. (Mat. 26:41) Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, mapalalakas niya tayo. (Isa. 40:29) Ang disiplina-sa-sarili at pagpipigil-sa-sarili ay gumaganap rin ng mahalagang papel.—1 Cor. 9:27.
6 Hindi sapat na ibigin kung ano ang mabuti, kundi kailangan ding kapootan natin ang masama. (Awit 97:10) Ang Kawikaan 6:16-19 ay nagtatala ng pitong bagay na kinapopootan ni Jehova. Maliwanag na upang maging kalugud-lugod kay Jehova, ang isa ay dapat ding mapoot sa gayong mga bagay.
7 Wastong ipanalangin ang mga kalagayan na laging magpapangyaring tayo’y magkaroon ng “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Cor. 15:58) Nasumpungan ng marami na ang isang magawaing iskedyul sa paglilingkod kay Jehova ay isang proteksiyon sapagkat ito’y nagpapahintulot ng kaunti lamang panahon para itaguyod ang walang kabuluhang mga bagay.
8 Matapos maisaalang-alang ang lahat, ang hinihiling sa atin ni Jehova ay lubhang makatuwiran. (Mik. 6:8) Kaya patuloy na “gumagawa tayo nang masikap at nagpupunyagi,” na nagtitiwalang ang ating gantimpala ay magiging makapupong higit kaysa anumang hinihiling sa atin.—1 Tim. 4:10.