Ang Pinakamahalagang Pangyayari sa Kasaysayan ng Tao
1 Si Jesus ay nagtungo sa lupa sa utos ng kaniyang Ama upang magbigay ng patotoo sa katotohanan na aakay sa atin patungo sa buhay na walang hanggan. (Juan 18:37) Ang kaniyang katapatan hanggang sa kamatayan ay nagdulot ng karangalan kay Jehova, nagpabanal sa pangalan ng Diyos, at naglaan ng isang pantubos. (Juan 17:4, 6) Ito ang nagpangyari upang ang kamatayan ni Jesus ang maging pinakamahalagang pangyayari sa buong kasaysayan ng tao.
2 Mula sa paglalang kay Adan, dalawa lamang sakdal na tao ang nabuhay sa lupang ito. Si Adan ay nasa kalagayang magdala ng kamangha-manghang mga pagpapala sa kaniyang di pa naisisilang na supling. Sa halip, may kasakiman siyang naghimagsik, na nagdala sa kanila sa isang miserableng kalagayan na humahantong sa kamatayan. Nang dumating si Jesus, ipinakita niya ang sakdal na katapatan at pagkamasunurin, na nagbubukas ng pagkakataon para sa buhay na walang hanggan sa lahat ng nagsasagawa ng pananampalataya.—Juan 3:16; Roma 5:12.
3 Wala nang iba pang pangyayari ang maihahambing sa kamatayan ni Jesus bilang hain. Binago nito ang takbo ng kasaysayan ng tao. Ito’y naglaan ng saligan para sa pagkabuhay-muli ng bilyun-bilyong tao mula sa mga patay. Ito’y naglatag ng pundasyon para sa walang hanggang Kaharian na tatapos sa lahat ng kabalakyutan at gagawa sa lupa na isang paraiso. Ito sa wakas ang magpapalaya sa buong sangkatauhan mula sa lahat ng anyo ng pang-aapi at pang-aalipin.—Awit 37:11; Gawa 24:15; Roma 8:21, 22.
4 Ang lahat ng ito ay tutulong sa atin na mapahalagahan kung bakit si Jesus ay nagtagubilin sa kaniyang mga alagad na alalahanin ang kaniyang kamatayan sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Memoryal bawat taon. (Luc. 22:19) Dahil sa pagpapahalaga sa kahulugan nito, ating inaasam ang pakikipagtipon sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig sa paglubog ng araw ng Biyernes, Abril 14. Bago sumapit ang panahong iyon, makabubuting basahing magkakasama bilang isang pamilya ang mga ulat ng Bibliya hinggil sa mga huling araw ni Jesus sa lupa at sa kaniyang may tibay loob na paninindigan sa katotohanan. (Ang inirerekomendang mga teksto ay nasa 1995 Calendar, Abril 9-14.) Siya’y naglagay ng huwaran para sa atin ukol sa debosyon sa ating Maylikha. (1 Ped. 2:21) Gawin natin ang buong makakaya upang anyayahan ang ating mga kaibigan at pamilya, gayundin ang mga estudyante sa Bibliya at iba pang interesadong tao, sa mahalagang pagtitipong ito. Ipaliwanag nang patiuna kung ano ang magaganap at ang kahalagahan ng mga emblema.—1 Cor. 11:23-26.
5 Ang mga matatanda ay dapat na patiunang magplanong mabuti upang matiyak na ang Kingdom Hall ay masinop at malinis. Dapat na gumawa ng kaayusan para sa isa na maghahanda ng mga emblema. Ang pagsisilbi ng mga emblema ay dapat na organisadong mabuti. Ang nakatutulong na mga mungkahi kung papaano ipakikita ang paggalang sa Hapunan ng Panginoon ay ibinigay sa Ang Bantayan ng Agosto 15, 1985, pahina 19 (Pebrero 15, 1985 sa Ingles). Magiging lubhang angkop para sa kongregasyon na magsaayos ng pinalawak na mga gawain ng paglilingkod sa larangan sa ilang mga araw bago ang pagdiriwang at ilang mga araw pagkatapos nito.
6 Noong nakaraang taon, may kabuuang bilang na 12,288,917 ang dumalo sa buong daigdig na pag-alaala sa mahalagang pangyayaring ito. Yamang ito ang pinakamahalagang araw sa ating kalendaryo, tayong lahat ay dapat na naroroon.