Pag-aalok ng Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
1 Sa Disyembre muli nating iaalok ang aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman sa mga tao sa ating teritoryo. Maraming tao ang nag-iisip hinggil kay Jesus sa ganitong yugto ng taon anupat maaaring masiyahan sa pagbabasa ng istorya ng kaniyang buhay sa lupa. Ano ang maaari nating sabihin upang pumukaw ng interes?
2 Narito ang isang presentasyon na maaaring pumukaw ng interes sa buwang ito ng Disyembre:
◼ “Ang karamihang tao ay naturuan na si Jesus ay ipinanganak noong Disyembre 25 at na ang tatlong pantas na lalaki ay dumalaw sa kaniya sa panahong iyon. Ito ba ang paniniwala ninyo? [Hayaang sumagot.] Sa aklat na ito sa kabanata 5 ay makikita ninyo ang isang ilustrasyon hinggil sa kaniyang kapanganakan. [Ipakita ang ilustrasyon at basahin ang huling parapo.] Hinggil sa tatlong pantas na lalaki, maaaring maging interesado kayo sa ilustrasyong ito sa kabanata 7. Napapansin ba ninyo ang anumang kaibahan sa dalawang ilustrasyon? [Ipakita ang larawan sa gawing kanang pahina at ipakitang si Jesus ay mas matanda na sa panahong ito.] Ang aklat na ito ay nagbibigay ng tumpak na paglalarawan sa buhay at ministeryo ni Jesus. Upang tamasahin ninyo ito, ako’y nalulugod na ialok ang aklat na ito sa inyo sa maliit na kontribusyon.”
3 Taglay sa isipan ang isang malungkot na balita kamakailan, maaari ninyong sabihin:
◼ “Malamang na narinig na ninyo ang tungkol sa [banggitin ang pangyayari]. Napag-isipan na ba ninyo kung bakit nangyayari ang gayong mga bagay sa ngayon? [Hayaang sumagot.] Iniuulat ng Bibliya ang sagot ni Jesus sa gayong katanungan, at dito sa kabanata 111 ng aklat na ito ay ipinaliliwanag na ang gayong mga pangyayari ay tanda ng mga huling araw. [Ipakita ang ilustrasyon sa unang pahina at pagkatapos ay basahin ang huling parapo sa ikalawang pahina, o basahin ang Mateo 24:7, 8 mula sa inyong Bibliya.] Dapat ba tayong matakot dito? Hindi, sapagkat ito’y nangangahulugang malapit nang puksain ng Diyos ang lahat ng kabalakyutan at pangyarihin ang isang bagong sanlibutan. [Basahin ang 2 Pedro 3:13.] Sa kontribusyong ₱60.00 ay maaari kayong magkaroon ng isang kopya upang ito’y mabasa ninyo sa ganang sarili.”
4 Kung ang masusumpungan ninyo’y isang magulang, maaaring doon ninyo ituon sa pamilya:
◼ “Karamihan sa mga magulang ay sumasang-ayon na napakarami ang suliranin samantalang sinisikap na mapanatili ang isang maligayang buhay pampamilya. Ano sa palagay ninyo ang pinakamalulubhang sagabal? [Hayaang sumagot.] Karamihan sa atin ay gumagawa ng makakaya natin, gayunma’y kadalasang pinahahalagahan natin ang tulong sa pagtatamo natin nang mas mabubuting resulta. Ang Bibliya ay nagbibigay ng napakabuting payo. [Basahin ang mga bahagi ng Colosas 3:12, 18-21.] Ang aklat na ito, Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, sa kabanata 95, ay nagpapakita na si Jesus ay nagbigay ng maiinam na leksiyon sa pag-aasawa at sa pagpapalaki ng mga anak. [Buksan ang aklat at ipakita ang ilustrasyon.] Natitiyak kong masisiyahan kayo sa pagbabasa ng aklat na ito upang matutuhan pa ng higit ang mga praktikal na turo ni Jesus.”
5 Kung tayo’y lubusang handa, maaari nating magamit ang aklat na ito upang ‘buksan ang mga Kasulatan’ sa iba sa paraang magdudulot sa kanila ng malaking kagalakan!—Luc. 24:32.