Papaano Ko Mahihimok na Makinig ang Maybahay?
1 Sa lunsod ng Filipos, “isang babae na pinanganlang Lydia, isang tindera ng purpura, . . . ang nakikinig, at binuksang mabuti ni Jehova ang kaniyang puso upang magbigay-pansin sa mga bagay na sinasalita ni Pablo.” (Gawa 16:14) Ano ang itinuturo sa atin ng ulat na ito? Ang pakikinig ang siyang umaakay upang makaalam ang isang tao ng katotohanan. Ang ating tagumpay sa pagdadala ng mensahe ng Kaharian ay pangunahing nakasalig sa pagnanais ng maybahay na makinig. Minsang nahimok natin siyang makinig, hindi na mahirap ang paghaharap ng ating mensahe. Subalit ang himuking makinig ang isa ay maaaring maging isang hamon. Ano ang maaari nating gawin?
2 Bago makibahagi sa paglilingkod, dapat nating bigyang pansin ang ating anyo at ang ating gagamiting kasangkapan. Bakit? Mas gusto ng taong makinig sa isa na anyong marangal. Angkop ba ang ating pananamit subalit mahinhin? Bagaman ang burarang pananamit ay maaaring uso sa sanlibutan, iniiwasan natin ang gayong kawalang ingat sapagkat tayo ay mga ministro na kumakatawan sa Kaharian ng Diyos. Ang ating malinis at masinop na anyo ay nagbibigay ng mainam na patotoo sa mensahe ng Kaharian na ating ipinangangaral.
3 Maging Palakaibigan at Magalang: Sa kabila ng nagbabagong mga saloobin ngayon, maraming tao ang may mataas pa ring pagkilala sa Bibliya at tutugong mainam sa isang magalang at palakaibigang pakikipag-usap hinggil sa nilalaman ng Bibliya. Ang isang masigla, taimtim na ngiti ay magpapangyari sa maybahay na maging palagay at magbubukas ng daan para sa isang kanais-nais na pag-uusap. Ang ating kataimtiman at mabuting pag-uugali ay dapat ding makita sa ating pananalita at paggawi, lakip na ang ating magalang na pakikinig sa mga komento ng maybahay.
4 Ang ating layunin ay upang maibahagi sa iba ang pag-asa ng Bibliya. Taglay ito sa isipan, dapat nating tiyakin na ang ating pakikipag-usap ay nakaaakit, hindi nakagagalit o naghahamon. Hindi kailangang aksayahin ang oras sa pakikipagtalo sa isang tao na maliwanag na sumasalansang. (2 Tim. 2:23-25) Makapamimili tayo mula sa napakalawak na iba’t ibang nakapagpapatibay at napapanahong presentasyon na inilaan sa atin ng Ating Ministeryo sa Kaharian at ng aklat na Nangangatuwiran. Sabihin pa, kailangan nating ihandang mabuti ang mga ito upang tayo ay makapagsalita sa isang masigla at nakahihikayat na paraan.—1 Ped. 3:15.
5 Pagkatapos ng ating pagdalaw, iilan lamang maybahay ang makatatanda sa eksaktong sinabi natin. Gayunpaman, halos lahat sa kanila ay makatatanda sa paraan ng pagsasabi natin nito. Huwag nating hahamakin kailanman ang kapangyarihan ng kabutihan at kabaitan. Tiyak na maraming tulad-tupang mga tao sa ating teritoryo ang magnanais na makinig sa katotohanan gaya ni Lydia noong unang siglo. Ang pagbibigay ng maingat na pansin sa ating anyo at paraan ng pagsasalita ay magpapasigla sa mga taong taimtim na makinig sa Salita ng Diyos at may pagsang-ayong tatanggap nito.—Mar. 4:20.