Bahagi 3—Makinabang Mula sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa 1996
1 Nais ni apostol Pablo na ipanalangin siya ng mga kapatid upang magkaroon siya ng kakayahang magsalita ng mabuting balita nang may katapangan. (Efe. 6:18-20) Nais nating linangin ang gayunding kakayahan. Dahilan dito, pinahahalagahan natin ang tulong na ibinibigay ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro.
2 Bilang mga estudyante, tayo’y tumatanggap ng personal na payo upang mapasulong ang ating kakayahang magsalita at magturo. (Kaw. 9:9) Makikinabang din tayo mula sa pakikinig sa payong tinatanggap ng ibang mga estudyante, na ikinakapit ito sa ating sarili. Kapag naghahanda ng atas, dapat nating pag-aralang mabuti ang materyal na pinagkunan upang matiyak na ang ating paliwanag ay tumpak. Ang mga pangunahing punto at ang mga kasulatan na ating ginagamit ay dapat na umangkop sa pangkalahatang tema. Kapag ang atas ay nagsasangkot ng iba pang tao, dapat na ito’y insayuhing mabuti nang patiuna. Habang tayo ay sumusulong, dapat gumawa ng pagsisikap na makapagsalita nang ekstemporanyo, na gumagamit ng mga nota sa halip na manuskrito.
3 Lahat ng may atas sa paaralan ay dapat na dumating nang maaga, ibigay sa tagapangasiwa sa paaralan ang kanilang Speech Counsel slip, at umupo sa unahan ng bulwagan. Dapat ipabatid agad ng mga kapatid na babae sa tagapangasiwa sa paaralan kung ano ang kanilang tagpo at kung sila’y tatayo o uupo sa kanilang bahagi. Ito’y tutulong sa mga nag-aasikaso sa plataporma na maihanda ang lahat ng bagay nang patiuna.
4 Paghahanda ng Atas Blg. 2: Ang layunin ng pagbabasa ng Bibliya ay upang tulungan ang estudyante na mapasulong ang kaniyang kakayahang bumasa. Papaano ba matatamo ito sa pinakamabuting paraan? Ang malakas na pagbabasa sa materyal nang paulit-ulit ang pinakamabuting paraan upang mabihasa dito. Upang mabatid ang kahulugan at wastong pagbigkas ng mga salitang di alam, dapat tingnan ng estudyante ang mga ito sa isang diksiyunaryo.
5 Ang New World Translation ay nagbibigay ng tulong sa pagbigkas sa mga pangalan at sa di karaniwang mga salita na masusumpungan sa Bibliya. Ito’y ginagawa sa pamamagitan ng paghahati sa mga pantig at paglalagay ng mga tuldik. (Tingnan ang “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang,” mga pahina 325-6, mga parapo 27-8.) Karaniwan, ang pantig na nauna sa tuldik ang tumatanggap ng malaking pagdiriin. Kung ang tinuldikang pantig ay nagtatapos sa patinig, ang patinig ay binibigkas nang mahaba. Kung ang pantig ay nagtatapos sa katinig, ang patinig sa pantig na yaon ay maikli. (Ihambing ang Saʹlu sa Salʹlu.) Upang matulungan silang maghanda para sa kanilang mga atas ng pagbabasa ng Bibliya, ang ilang kapatid ay nakikinig sa mga audiocassette ng Samahan.
6 Matutulungan ng mga magulang ang kanilang maliliit na anak na maghanda sa atas ng pagbabasa ng Bibliya. Kalakip dito ang pakikinig kapag ang bata ay nag-eensayo at pagbibigay sa kaniya ng nakatutulong na mga mungkahi ukol sa pagsulong. Ang itinakdang oras ay nagpapahintulot para sa isang maikling pambungad at isang angkop na konklusyon para sa pagkakapit ng mga susing punto. Kaya napasusulong ng estudyante ang kaniyang kakayahan na magsalita nang ekstemporanyo.
7 Ang salmista ay may pananalanging humiling: “Oh Jehova, nawa’y buksan mo ang mga labi ko, upang ang aking bibig ay magsalita ng iyong kapurihan.” (Awit 51:15) Ang atin nawang pakikibahagi sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay makatulong sa atin upang masapatan ang ganito ring hangarin.