Nagbibigay si Jehova ng Lakas na Higit sa Karaniwan
1 Isang natatanging pribilehiyo ng banal na paglilingkod—ang ministeryong Kristiyano—ang ipinagkatiwala sa lahat ng alagad ni Jesus. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Subalit, ang di-kasakdalan ng tao at ang mga panggigipit ng sistemang ito ng mga bagay ay maaaring magpangyari kung minsan na malasin natin ang ating sarili na lubhang kapos sa kakayahan.
2 Kapag nangyayari ito, maaari tayong maaliw ng liham ni apostol Pablo sa pinahirang mga Kristiyano sa Corinto. Siya’y sumulat: “Taglay namin ang kayamanang ito sa yaring-luwad na mga sisidlan.” (2 Cor. 4:7) Si Pablo ay may pagtitiwala: “Yamang taglay namin ang ministeryong ito . . . , hindi kami nanghihimagod.” (2 Cor. 4:1) Tunay, ito’y isang hamon para sa bawat isa sa atin, maging pinahiran man o “ibang tupa,” na patuloy na ihayag ang mabuting balita at ‘hindi manghimagod.’ Kailangan natin ang lakas mula sa Diyos, na nagkakaloob ng “lakas na higit sa karaniwan.”—Juan 10:16; 2 Cor. 4:7b.
3 Nakapagpapatibay-loob naman, maraming saksi ang masigasig na ebanghelisador sa kabila ng matinding pagsalansang, malulubhang suliranin sa kalusugan, o limitadong pananalapi. Dapat nating kilalaning lahat na ang ating atas na mangaral ay may pag-alalay ni Jehova. Sa halip na hayaang pahinain ng pagkasira-ng-loob o pagkatakot ang ating kapasiyahang mangaral, patuloy tayong ‘kumuha ng lakas sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan.’—Efe. 6:10; Kaw. 24:10.
4 Kung Paano Magtatamo ng Lakas ng Diyos: Magmatiyaga sa pananalangin, na humihiling sa Diyos ng tulong at kalakasan. (Roma 12:12; Fil. 4:6, 7) Pagkatapos, buong-puso kayong magtiwala kay Jehova na maglalaan ng lakas na higit sa karaniwan. (Kaw. 3:5) Basahin ang makabagong-panahong talambuhay sa ating mga magasin, sapagkat ang mga ito ay nagbibigay ng patotoo na tumutulong si Jehova sa kaniyang mga lingkod ngayon upang makapagbata ng mga pagsubok. Manatiling malapit sa mga kapatid sa kongregasyon, at huwag pabayaan ang mga pulong ng kongregasyon.—Roma 1:11, 12; Heb. 10:24, 25.
5 Gawin nawa natin ang lahat ng ating makakaya upang ilagay ang ating sarili sa hanay ng tatanggap ng lakas ni Jehova—isang lakas na higit sa karaniwan at na makatutulong sa atin upang huwag huminto sa napakahalagang gawain ng pangangaral ng Kaharian.