Anong Inam Nga na Laging Dumalo!
1 Sa nakalipas na mga dekada sa Silangang Europa, marami sa ating mahal na mga kapatid ang pinagbawalang magpulong nang hayagan. Gunigunihin ang kanilang kagalakan nang alisin ang mga pagbabawal at sila’y maaari nang magtipon nang may kalayaan!
2 Tungkol sa kaniyang pagdalaw sa isa sa gayong kongregasyon, isang tagapangasiwa ng sirkito ang sumulat: “Noong gabi ng Martes, sa mismong pasimula ng aking pagdalaw, nasira ang heater. Sa labas, nagyeyelo ang temperatura, at sa loob, halos 5 digri Celsius lamang ito. Ang mga kapatid ay naupo na suot ang kanilang mga amerikana, bupanda, guwantes, sumbrero, at mga bota. Walang makasubaybay sa pagbasa ng Bibliya, yamang imposibleng buklatin ang mga pahina nito. Habang nakatayong nakaamerikana sa entablado, ako’y naninigas na sa ginaw, at sa tuwing magsasalita ako, umuusok ang aking bibig. Subalit ang ikinahanga ko ay wala akong narinig na kahit isang salita ng pagrereklamo. Lahat ng mga kapatid ay nagsabi na napakasaya at napakainam na sila’y nakadalo!” Hindi man lamang inisip ng mga kapatid na iyon na libanan ang pulong na iyon!
3 Gayon ba ang Ating Nadarama? Pinahahalagahan ba natin ang pagkakataong magtipon nang malaya sa ating lingguhang mga pagpupulong? O ipinagwawalang-bahala natin ang mga pulong kahit na ipinahihintulot ng mga kalagayan? Maaaring hindi madali ang dumalo nang regular sa mga pulong, at baka kung minsan ay may makatuwiran tayong dahilan sa hindi pagdalo. Gayunman, huwag kalimutan na may mga kasama tayo na sa kabila ng katandaan, malulubhang karamdaman, pisikal na mga kapansanan, gipit na mga iskedyul sa trabaho, at iba pang seryosong mga pananagutan ay nagpapahalaga sa mga pulong at halos laging dumadalo. Kay iinam ngang halimbawa para sa atin upang tularan!—Ihambing ang Lucas 2:37.
4 Gawin nating kaugalian na suportahan ang tunay na pagsamba sa pamamagitan ng pagdalo sa lahat ng ating mga Kristiyanong pagpupulong, mula sa maliit na grupo sa pag-aaral ng aklat hanggang sa malaking kombensiyon. Bakit dapat tayong maging seryoso sa pagdalo sa mga pagtitipong ito? Sapagkat utos ng Diyos na tayo ay magtipong sama-sama. Subalit mayroon pang ibang mahahalagang dahilan. Kailangan nating lahat ang mga pakinabang na dulot ng banal na pagtuturo at ang tulong ng banal na espiritu, na natatanggap sa mga pagpupulong. (Mat. 18:20) Napatitibay tayo sa pakikipagpalitan ng pampatibay-loob kapag nakikisama sa ating mga kapatid.—Heb. 10:24, 25.
5 Nang maganap ang pagbabagong-anyo, sinabi ni Pedro, “Tagapagturo, mainam para sa atin ang dumito.” (Luc. 9:33) Dapat na gayundin ang nadarama natin hinggil sa ating mga Kristiyanong pagpupulong. Tunay, anong inam nga na laging dumalo!