Ang Iba ay Umaasa sa Iyo
1 “Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay: ‘Hindi kita kailangan.’” Kung gayon nga, ano ang magsasanggalang sa mata mula sa panganib? Sa gayon ginamit ni apostol Pablo ang katawan ng tao na may iba’t ibang sangkap nito upang ilarawan ang katotohanan na tayong lahat ay umaasa sa isa’t isa sa kongregasyon. Isinulat pa nga niya na “kailangan ang mga sangkap ng katawan na waring mas mahihina.” Oo, umaasa tayo sa iba at ang iba naman ay umaasa sa atin, taglay ang “magkakatulad na pagmamalasakit sa isa’t isa” sapagkat “tayo ay mga sangkap na nauukol sa isa’t isa.” (1 Cor. 12:21-27; Efe. 4:25) Isipin ang ilan sa mga paraan kung paano naaapektuhan ng iyong gawain ang iba.
2 Sa Pamilya: Napatitibay ng mag-asawa ang isa’t isa sa pamamagitan ng pananampalataya, determinasyon, at sigasig na ipinamamalas nila, na pinananatiling pangunahin ang kanilang espirituwal na mga tunguhin. Sa gayunding paraan, ang saloobin at halimbawa ng mga magulang ay maaaring magkaroon ng malaking impluwensiya kung paano mamalasin at makikibahagi sa ministeryo at Kristiyanong mga pagpupulong ang kanilang mga anak.—Jos. 24:15.
3 Sa Ministeryo: Ang iyong kasiglahan sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ay gumaganyak sa mga kapuwa mamamahayag na magsumikap sa ministeryo. Malaki ang magagawa ng iyong halimbawa, gaya rin ng personal na tulong na ibinibigay mo sa iba upang makibahagi sa paglilingkod. (2 Tes. 3:9) Tiyak na pahahalagahan ng mga payunir ang anumang mailalaan mong pagsama sa kanila sa kanilang ministeryo. Sabihin pa, ang mga interesadong nakausap mo sa larangan ay umaasang babalik ka upang tulungan silang masumpungan ang daan tungo sa buhay. Hindi mo nanaising biguin sila.
4 Sa Kongregasyon: Ang iyong pagdalo at pakikibahagi sa mga pulong sa kongregasyon ay isang bukal ng tunay na pampatibay-loob sa iyong mga kapatid. Kung wala ka, hindi lamang ikaw ang mawawalan ng pakinabang. Ang iba ay hindi rin makikinabang mula sa iyong pagkanaroroon sa mga pulong. Ang matatanda ay tiyak na umaasa sa iyo, kung paanong umaasa ka sa kanila. Ang iyong positibong saloobin at kusang-loob na pagsuporta ay nagpapadali sa kanilang gawaing pagpapastol sa kawan.
5 Sa salita at sa gawa, ‘udyukan natin ang isa’t isa sa pag-ibig at maiinam na gawa.’ (Heb. 10:24) Pagpapalain tayo ni Jehova dahil sa ating pagkamaaasahan at katapatan.