Maging Nakapagpapatibay
1 Yamang nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” tayong lahat ay nangangailangan ng pampatibay-loob. (2 Tim. 3:1) Maging noong unang siglo, hinimok ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapatid na “itaguyod . . . ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.” (Roma 14:19) Dinalaw niyang muli ang ilang kongregasyon, anupat “pinalalakas ang mga kaluluwa ng mga alagad, na pinatitibay-loob sila na manatili sa pananampalataya.” (Gawa 14:22) Kailangang-kailangan natin ang ganiyang uri ng pampatibay-loob sa ngayon.
2 Maaari tayong maging nakapagpapatibay sa iba sa pamamagitan ng ating sinasabi. Sa pakikibahagi sa mga pulong, tayo’y “nagpapatibayang-loob sa isa’t isa.” Ang ating dila ay magagamit sa positibong paraan kapag ibinabahagi natin ang ating mga karanasan, nagbibigay ng komendasyon, o tinatalakay ang espirituwal na mga bagay. Ang gayong paggamit ng dila ‘ay mabuti sa ikatitibay, anupat ibinabahagi ang kaayaaya sa mga nakikinig.’—Efe. 4:29.
3 Pag-usapan ang Nakapagpapatibay na mga Bagay: Sa Filipos 4:8, sinabi ni Pablo na dapat nating isaalang-alang ang mga bagay na totoo, seryosong pag-isipan, matuwid, malinis, kaibig-ibig, may mabuting ulat, may kagalingan, at kapuri-puri. Ang ating pakikipag-usap ay laging magiging totoo kung salig ito sa Salita ng Diyos. (Juan 17:17) Ang ating Kristiyanong pag-aalay, natututuhan sa mga pulong, at ministeryo sa larangan, ay mga bagay na seryosong pinag-iisipan. Ang positibong mga pakikipag-usap tungkol sa mga simulain ng Salita ng Diyos ay makatutulong sa atin na maging ‘marunong ukol sa kaligtasan.’—2 Tim. 3:15.
4 Maaari nating ipahayag ang ating pagpapahalaga sa malinis na paggawi ng mga nasa kongregasyon natin. Maaari nating papurihan ang kaibig-ibig na mga gawa ng kabaitan ng ating mga kapatid. (Juan 13:34, 35) Kalakip sa mga bagay na may mabuting ulat ang mabubuting katangian ng pananampalataya, kagalakan, kapayapaan, at mahabang pagtitiis na nakikita natin sa ating mga kapatid. Ang pakikipag-usap hinggil sa gayong may-kagalingan at kapuri-puring mga bagay ay ‘mabuti para sa ikatitibay’ ng iba.—Roma 15:2.
5 Sa araw-araw ay napapaharap tayo sa mga kabalisahan ng sanlibutan. Tunay ngang nakagiginhawang isaisang-tabi ang mga ito at makibahagi sa maibiging pakikipagsamahan sa ating mga kapatid! Kung tayo ay laging nakapagpapalakas-loob at nakapagpapatibay, tunay na masasabi ng iba hinggil sa atin: “Pinaginhawa nila ang aking espiritu.”—1 Cor. 16:18.