Pinagkatiwalaan ng Mabuting Balita
1 Kaylaking pribilehiyo nga natin na tayo ay pinagkatiwalaan ng mabuting balita ng Diyos! (1 Tes. 2:4) Bagaman maaaring tanggihan ng ilan ang makapangyarihang mensaheng ito, naaakit dito ang mga tapat-puso na gaya ng pagkaakit sa mabangong amoy. (2 Cor. 2:14-16) Para roon sa mga tumatanggap at sumusunod sa mabuting balita, nangangahulugan ito ng kaligtasan. (Roma 1:16) Paano natin iingatan ang ipinagkatiwalang ito?
2 Si Jesus at ang mga Apostol: Inuna ni Jesus ang paghahayag ng mabuting balita. (Luc. 4:18, 43) Kahit na siya ay pagód at gutóm, pinakilos siya ng kaniyang pag-ibig sa tao at ng kaniyang pagpapahalaga sa mensaheng ito upang ibahagi ito sa iba. (Mar. 6:30-34) Sa pamamagitan ng salita at gawa, ikinintal niya sa isip ng kaniyang mga alagad ang kahalagahan ng gawaing pangangaral ng Kaharian.—Mat. 28:18-20; Mar. 13:10.
3 Bilang pagtulad kay Jesus, buong sigasig na inihayag ng mga apostol ang mensahe ng Kaharian. Kahit pinagpapalo sila at inutusang ihinto ang pangangaral, “nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita.” (Gawa 5:40-42) Walang-sawang nagpagal si apostol Pablo sa gawaing ito. (1 Cor. 15:9, 10; Col. 1:29) Itinuring niya ang pribilehiyo ng pagbabahagi ng mabuting balita bilang pagkakautang niya sa kaniyang kapuwa, at handa niyang talikdan ang personal na kaalwanan upang maisakatuparan ito.—Gawa 20:24; Roma 1:14-16.
4 Ang Ating Pribilehiyo sa Ngayon: Pakikilusin tayo ng pagpapahalaga sa sagradong atas na ipinagkatiwala sa atin na humanap ng mga paraan upang palawakin ang ating pakikibahagi sa gawaing pangangaral. (Roma 15:16) Si Edward, na nasa silyang de-gulong, ay umuupo sa pasukan ng isang otel at ipinakikipag-usap sa mga panauhin ang kaniyang pananampalataya. Gayunman, sa pagnanais na makagawa nang higit pa, nagpagawa siya ng espesyal na kompartment sa isang sasakyang pickup, at sa pamamagitan nito, nakapagpayunir siya sa loob ng maraming taon, anupat naglalakbay nang libu-libong kilometro sa paggawa nito. Tulad ni Edward, marami sa ngayon ang gumawa ng pagbabago sa kanilang mga kalagayan upang magkaroon ng higit na bahagi sa pagpapalaganap ng mabuting balita.
5 Bilang pagtulad kay Jesus at sa mga apostol, nawa’y lagi nating unahin ngayon sa ating buhay ang gawaing pangangaral. Sa paggawa nito, ipinakikita natin ang ating pag-ibig sa mga tao gayundin ang ating pagpapahalaga sa mabuting balita na ipinagkatiwala sa atin.