Ang Nakahihigit na Halaga ng Karunungan Mula sa Diyos
1 Iniisip ng ilang tao na dapat na mas tuwirang ituon ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga pagsisikap sa pagtulong na maibsan ang mga problema na kinakaharap ng sangkatauhan sa ngayon. Hindi nakikita ng gayong mga tao ang nakahihigit na halaga ng ating gawaing pagtuturo ng Bibliya. Gaya ito ng isinulat ni apostol Pablo: “Ang pananalita tungkol sa pahirapang tulos ay kamangmangan doon sa mga nalilipol, ngunit sa atin na mga inililigtas ay kapangyarihan ito ng Diyos.” (1 Cor. 1:18) Tunay nga, alam natin na ang ministeryong Kristiyano ang pinakamahalagang gawain na isinasakatuparan sa lupa sa ngayon.
2 Mas Mabuting Buhay Ngayon: Limitadung-limitado ang naging mga bunga ng mga pagsisikap ng tao na lunasan ang mga problema ng sangkatauhan. Hindi napigil ng paggawa ng mga batas ang paglaganap ng krimen. Hindi naihinto ng mga kasunduan ukol sa kapayapaan at mga hukbong pangkapayapaan ang digmaan. Hindi naalis ng mga programang panlipunan ang karalitaan. (Awit 146:3, 4; Jer. 8:9) Sa kabaligtaran naman, nabago ng mensahe ng Kaharian ang buhay ng milyun-milyon sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na magsuot ng bagong personalidad na kaayaaya sa Diyos. (Roma 12:2; Col. 3:9, 10) Sa paggawa nito, nagiging mas mainam ang kalidad ng kanilang buhay ngayon pa lamang.—1 Tim. 4:8.
3 Magandang Kinabukasan: Bukod pa sa pagtulong sa atin na maharap ang kasalukuyang mga hamon sa buhay, tinutulungan tayo ng karunungan mula sa Diyos na makapagplano nang mahusay para sa hinaharap. (Awit 119:105) Nakaiiwas tayo sa walang-saysay na mga pagsisikap na baguhin ang kasalukuyang sistema ng mga bagay. (Ecles. 1:15; Roma 8:20) Anong laki nga ng ating pasasalamat dahil hindi nasasayang ang buhay natin sa paghahabol sa mga tunguhin na pawang mga ilusyon lamang! Sa halip, itinutuon natin ang ating mga pagsisikap sa tiyak na pangako ni Jehova na “mga bagong langit at isang bagong lupa,” na dito ay tatahan ang katuwiran. Kapag dumating na ang araw ng paghatol ni Jehova, magiging malinaw na tama ang pinili ng mga umaasa sa karunungan mula sa Diyos.—2 Ped. 3:10-13; Awit 37:34.
4 Bagaman tila hindi praktikal ang karunungan mula sa Diyos para sa mga taong abalang-abala sa “karunungan ng sistemang ito ng mga bagay,” ito sa katunayan ang tanging praktikal na landasing dapat sundin. (1 Cor. 1:21; 2:6-8) Kaya patuloy nating ipinahahayag sa buong lupa ang mensaheng nagmumula sa Diyos, na “tanging marunong.”—Roma 16:27.