Sulat ng Sangay
Mahal na mga Mamamahayag ng Kaharian:
Natutuwa tayong makita ang pagsulong ng gawain sa Pilipinas noong 2007 taon ng paglilingkod! Naabot natin ang pinakamataas na bilang na 154,858 mamamahayag noong Abril. Ang 42,252 sa mga ito, o 27% ng kabuuang bilang, ay naglingkod nang buong panahon bilang mga auxiliary, regular, o special pioneer.
Noong Oktubre at Nobyembre 2006, mahigit walong milyong kopya ng Kingdom News Blg. 37, “Malapit Na ang Wakas ng Huwad na Relihiyon!” ang naipamahagi sa buong Pilipinas. Noong Marso at Abril 2007, walong milyong imbitasyon para sa Memoryal ang naipamahagi. Ang layunin ng gayong mga kampanya ay tulungan ang tapat-pusong mga tao na malaman kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya. Maraming tao na hindi pa napatototohanan ang napaabutan ng mensahe sa gayong paraan.
Nakapagpapasiglang malaman na mahigit 140,000 pag-aaral sa Bibliya ang naidaos noong Abril 2007. Ipinakikita nito na mas marami nang mamamahayag ang nagiging guro ng Salita. (Mat. 28:19, 20) Marami sa mga ito ang gumagamit ng aklat na Itinuturo ng Bibliya sa gawaing ito. Mula nang ilabas ang aklat na ito noong 2005, mahigit isang milyong kopya ang naipasakamay sa buong Pilipinas. Natutuwa kaming gumawa nang balikatan kasama ninyo sa mahalagang gawaing ito, at ipinaaabot namin ang aming mainit na pag-ibig Kristiyano.
Ang inyong mga kapatid,
Tanggapang Pansangay sa Pilipinas