‘Ang Mabuting Balitang Ito ay Ipangangaral’!
1. Bakit tayo nakatitiyak na walang makapipigil sa gawaing pangangaral?
1 Walang makapipigil kay Jehova sa pagtupad niya sa kaniyang kalooban. (Isa. 14:24) Bagaman parang imposibleng manalo si Hukom Gideon at ang kaniyang 300 lalaki laban sa hukbo ng 135,000 Midianita, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Tiyak na ililigtas mo ang Israel mula sa palad ng Midian. Hindi ba kita isinusugo?” (Huk. 6:14) Anong gawain ang sinusuportahan ni Jehova ngayon? Sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.” (Mat. 24:14) Walang makapipigil sa gawaing ito!
2. Bakit tayo makaaasang tutulungan ni Jehova ang bawat isa sa ministeryo?
2 Tinutulungan ni Jehova ang Bawat Indibiduwal: Sigurado tayong tinutulungan ni Jehova ang kaniyang mga Saksi bilang isang grupo, pero makaaasa ba tayo ng tulong bilang indibiduwal? Nang mangailangan ng tulong si Pablo, nadama niya ang alalay ni Jehova sa pamamagitan ng Kaniyang Anak, si Jesus. (2 Tim. 4:17) Makatitiyak din tayo na pagpapalain ni Jehova ang pagsisikap ng bawat isa na gawin ang kaniyang kalooban.—1 Juan 5:14.
3. Sa anu-anong sitwasyon tayo tinutulungan ni Jehova?
3 Balisang-balisa ka ba sa pang-araw-araw na buhay anupat wala ka nang lakas sa ministeryo? “Siya ay nagbibigay ng lakas sa pagod.” (Isa. 40:29-31) Pinag-uusig ka ba o sinasalansang? “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.” (Awit 55:22) Minsan ba’y wala kang kumpiyansa? “Humayo ka ngayon, at ako mismo ay sasaiyong bibig.” (Ex. 4:11, 12) Nalilimitahan ba ang nagagawa mo sa ministeryo dahil sa problema sa kalusugan? Pinahahalagahan ni Jehova ang iyong buong-kaluluwang pagsisikap at mapalalago niya ito, gaanuman ito kaliit.—1 Cor. 3:6, 9.
4. Paano makakatulong sa atin ang pagtitiwala kay Jehova?
4 Ang kamay ni Jehova “ang nakaunat, at sino ang makapipigil nito?” (Isa. 14:27) Dahil may tiwala tayong pagpapalain ni Jehova ang ating ministeryo, nawa’y patuloy tayong magsikap na mangaral “nang may katapangan sa pamamagitan ng awtoridad ni Jehova.”—Gawa 14:3.