Ang Pinakamahalagang Katangian ng Mabuting Guro
1. Ano ang pinakamahalagang katangian ng mabuting guro?
1 Ano ang pinakamahalagang katangian para maging mabuting guro ang isa? Sekular na edukasyon? Karanasan? Likas na abilidad? Sa katunayan, ito rin ang katangian na katuparan ng Kautusan, na nagpapakilala sa mga alagad ni Jesus at ang pinakanangingibabaw at kaakit-akit sa pangunahing mga katangian ni Jehova. (Juan 13:35; Gal. 5:14; 1 Juan 4:8) Ito ang pag-ibig. Ang mabubuting guro ay nagpapakita ng pag-ibig.
2. Bakit napakahalagang ibigin natin ang mga tao?
2 Ibigin ang mga Tao: Inibig ng Dakilang Guro na si Jesus ang mga tao, at ito ang nagpakilos sa kanila na makinig sa kaniya. (Luc. 5:12, 13; Juan 13:1; 15:13) Kung nagmamalasakit tayo sa mga tao, magpapatotoo tayo sa lahat ng pagkakataon. Hindi makahahadlang sa atin ang pag-uusig at kawalan ng interes. Magpapakita tayo ng taimtim at personal na interes sa mga pinangangaralan natin, at ibabagay ang ating sasabihin upang matugunan ang kanilang mga ikinababahala. Handa tayong maglaan ng panahon hindi lamang kapag nagdaraos ng pag-aaral sa bawat estudyante sa Bibliya kundi pati sa patiunang paghahanda para sa bawat pag-aaral.
3. Paano makatutulong sa ating ministeryo ang pag-ibig sa mga katotohanan sa Bibliya?
3 Ibigin ang mga Katotohanan sa Bibliya: Inibig din ni Jesus ang mga katotohanan sa Bibliya at itinuring niya itong kayamanan. (Mat. 13:52) Kung iniibig natin ang katotohanan, magsasalita tayo nang may kasiglahan, at ito naman ang gaganyak sa ating mga tagapakinig. Tutulong sa atin ang pag-ibig na iyon na magpokus sa mahahalagang impormasyon na ibinabahagi natin sa halip na sa ating mga limitasyon, sa gayon ay hindi tayo gaanong kakabahan sa ministeryo.
4. Paano natin malilinang ang pag-ibig?
4 Linangin ang Pag-ibig: Paano natin malilinang ang pag-ibig sa mga tao? Sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa pag-ibig na ipinakita ni Jehova at ng kaniyang Anak at sa kaawa-awang espirituwal na kalagayan ng mga tao sa ating teritoryo. (Mar. 6:34; 1 Juan 4:10, 11) Ang pag-ibig natin sa mga katotohanan sa Bibliya ay lalalim pa sa pamamagitan ng regular na personal na pag-aaral at pagbubulay-bulay. Ang pag-ibig ay isang aspekto ng bunga ng espiritu. (Gal. 5:22) Kaya maaari tayong magsumamo kay Jehova na bigyan tayo ng banal na espiritu at tulungan tayong lumago sa pag-ibig. (Luc. 11:13; 1 Juan 5:14) Anuman ang ating sekular na edukasyon, karanasan sa katotohanan, o likas na abilidad, maaari tayong maging mabisang guro ng Bibliya sa pamamagitan ng pagpapakita ng pag-ibig.